Mistulang selyado na ang tadhana ng TNC Pro Team ML sa mga huling sandali ng Game 2 kontra ECHO sa kanilang Week 6 bakbakan sa MPL Philippines Season 9. Hindi kaila na sa sandaling makuha ng tinaguriang “Super Team” ang Luminous Lord sa 18:40 bahagi ng laro ay wala ng makakapagil sa kanilang inaasam na sweep.

Ngunit isang magilas na split push play ng TNC ang epektibong bumura sa pag-asa ng ECHO na magawa ito.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Habang abala ang koponan ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno na iselyo ang Lord ay sinabayan ito ng TNC ng pugak sa top-side kasama ang minions para basagin ang tore at kalaunan ay ang base ng ECHO.

Sa post-match interview, ikinuwento ng roamer na si Ben “Benthings” Maglaque ang naganap sa mga huling bahagi ng laro, at inihayag kung sino ang tumawag ng henyong split push play ng TNC.


Benthings: Si Escalera ang tumawag ng split push play ng TNC sa Game 2

Credit: MPL Philippines

Idinetalye ng TNC roamer sa panayam kasama si Mara Aquino ang mga sandali bago maganap ang play na epektibong nagbago ng ihip ng hangin ng serye kontra ECHO.

“Di ba po nagpa-pause yung ECHO sa pangyayaring ‘yon. Then, kinuwento po samen ni Jojo (Escalera) na nag-pray po siya. Then pagka-resume na pagka-resume po, parang may pumasok daw sa isip niya,” ani ni Benthings.

“Puwede nating gawin to, yung ginawa po naming backdoor po.”

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Hindi naman nagkamali si Jomarie “Escalera” Delos Santos sa pagtawag ng split push play ng TNC. Nagulantang ang mga miyembro ng ECHO sa matapang na pag-abante ng kalabang team kung saan napitas si Tristan “Yawi” Cabrera na bukod-tanging dumedepensa noon sa top side.

Sa desperasyon ng ECHO ay ipinadala nila si KarlTzy sa kaniyang Hayabusa, ngunit hindi ito naging sapat para pigilan ang malaking upset victory ng kalabang team.

Inilarawan din ni Daniel “SDzyz” Chu ang mindset nila ng patuloy na maghabol sa kabuuan ng laro. “Medyo mahirap po kasi labanan sila ng teamfight. Nahihirapan din po si Robee (Yasuwo). Lagi po siyang pinapasok ng apat, tatlo, kaya po nag-isip po kami ng ibang way para matawid yung Game 2,” ani ng batikang jungler.

Bago ang mala-alamat na split push play ng TNC, susi ang ginawang play ni SDzyz sa kaniyang Lancelot na bumili ng oras para sa kaniyang team sa pamamagitan ng pag-clear ng minions at pagpain ng kaniyang sarili sa kalabang team.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Bagamat natural na counter sa kaniyang assassin hero, muli’t-muling naiwasan ng TNC jungler ang tangka ng Phoveus ni Benedict “Bennyqt” Gonzales na makadikit. Sa huli ay nakauwi ng matiwasay si SDzyz at nanatili sa pagdepensa na kanilang lanes bago pumugak sa top.

Dinala ng Phoenix Army ang momentum na ito papunta sa Game 3 para kumpletuhin ang reverse sweep at ipatuloy ang dikdikan sa top 1 spot sa regular season standings.

Sundan ang pinakahuli sa MPL sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Eson positibo pa rin sa kampanya ng Blacklist International sa MPL PH Season 9