Itinanghal si RSG Philippines roamer Dylan Aaron “Light” Catipon na Regular Season Most Valuable Player ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Nakakuha si RSG Light ng 53 points mula sa MVP voting na isinagawa ng MPL PH casters at dinaig ang kapwa roamer na si Ben “Benthings” Maglaque ng TNC Pro Team (38 points) at kakamping midlaner na si Arvie “Aqua” Antonio (10 points) para masungkit ang pinakaprestihiyosong individual award ng season.


Si RSG Light ang Regular Season MVP ng MPL PH Season 9

RSG Light
Credit: RSG Philippines

Malaki ang ginampanan ni Light para maselyo ng RSG PH ang No. 1 seed sa MPL PH Season 9 playoffs. Pinangunahan niya ang kampanya ng Raiders upang makalikom sila ng 31 points mula sa 11-3 series win-loss record sa loob ng pitong linggong bakbakan sa regular season.

Bago pa man igawad ang parangal, sinabi na ni RSG coach Brian “Panda” Lim noong post-match interview matapos ang 2-0 sweep kontra ONIC PH sa kanilang huling serye na “he (Light) really deserves the MVP of the Season no matter what because his dedication and hard work is just unbelievable.”

Sinasalamin ng player statistics ni RSG Light ang malaking epekto niya sa matagumpay na takbo ng kanyang koponan.

Nakapagtala ang 19-year-old pro na tubong Cavite at dating TNC standout ng 223 assists (pangatlo sa pinakaramarami sa liga) at 3.92 kill-death-assist ratio (ika-17 sa pinakamataas). Kahanga-hanga rin ang kanyang win rate sa mga meta roaming hero na sina Franco, Chou at Khufra.

Credit: MPL Philippines

Pero ang talagang nagdala kay RSG Light patungo sa Regular Season MVP award ay ang kanyang hindi matatawarang sipag sa paggawa ng plays para sa team at pagbibigay ng vision upang makuha nila ang map control sa bawat laro.

Sa ikapitong linggo ng regular season kung saan nakapukol ng dalawang panalo ang kanyang grupo sa kanilang “hell week” sa liga, si RSG Light ang pinangalanang Weekly MVP, na isa sa mga criteria para maging qualified sa Regular Season MVP plum.

Sa pagpasok ng top seed na RSG sa playoffs, susubukan ni Light na ilawan ang daan patungo sa inaasam-asam na kampeonato.


Subaybayan ang mga kaganapan sa MPL Philippines sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.