Nagawang patalsikin ng RSG Philippines ang ECHO sa tuktok at tuluyang sunggaban ang No. 1 spot sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 Week 7.

Sa kanilang “hell week” ngayong season, nakapaglista ang Raiders ni coach Brian “Panda” Lim ng dalawang sweep ngunit kinapos silang makapagtala ng perpektong linggo matapos makatanggap ng manipis na pagkatalo sa kanilang huling laro.

Samantala, sumama na ang ONIC PH sa RSG PH, ECHO at TNC bilang mga koponan na kumpirmadong pasok na sa playoffs habang ang dalawang natitirang slots ay pagtatalunan ng Nexplay EVOS, Blacklist International, Smart Omega at Bren Esports sa kapana-panabik na huling linggo ng regular season.


Ang mga naganap sa MPL PH Season 9 Week 7

Day 1 – RSG at ONIC nanaig

Credit: MPL Philippines

Mabilis na dinispatya at binawian nila Season 8 Best Rookie Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto at RSG ang kapwa top seed contender na TNC sa iskor na 2-0 para sa mainit na panimula sa kanilang kampanya sa MPL PH Season 9 Week 7.

Sumunod naman ang ONIC na pinabagsak ang Omega sa likod ng Paquito ni gold laner Marky “Markyyyyy” Capacio sa deciding Game 3 upang makuha ang 2-1 victory. Dahil sa panalo, naiselyo ng M3 runner-up ang isang playoff spot.

Day 2 – RSG winalis ang ECHO; Bren at Omega tagumpay

Credit: MPL Philippines

Sa inabangang banggaan ng top two teams sa liga, hindi inakala ng mga manonood na mangingibabaw ang koponan ni coach Brian “Panda” Lim kontra sa mga bataan ni coach Michael Angelo “Arcadia” Bocado sa pamamagitan ng isang 2-0 sweep. Bumida ang Baxia ni Demonkite sa Game 1 habang ang Khufra naman ni Dylan “Light” Catipon ang nagliwanag sa Game 2.

Bago ito, pinanatili muna ng Bren Esports na buhay ang kanilang tsansang makaabante sa playoffs matapos nilang padapain ang Blacklist International, 2-1, sa pangunguna nila rookie roamer Vincent “JOY BOY” De Guzman at batikang EXP laner David “FlapTzy” Canon.

Sa panapos na serye ng Day 2 ng MPL PH Season 9 Week 7, kinumpleto ng Smart Omega ang isang season sweep kontra sa karibal na Nexplay EVOS sa iskor na 2-0. Isang malaking panalo ito para kina coach Jomie “Pakbet” Abalos at OMG dahil nais nilang depensahan ang kanilang titulo sa MSC.

Day 3 – Blacklist ginulat ang RSG; TNC bumawi sa ONIC

Credit: MPL Philippines

Isang malupit na macro gameplay sa unang laro ang ipinamalas ng TNC upang idikta ang tempo patungo sa 2-0 panalo laban sa ONIC. Dito pinatunayan ni veteran jungler Shemaiah Daniel “SDzyz” Chu kung bakit siya tinatawag na “Retri God” sa gumugulong na season.

Sa closing match ng MPL PH Season 9 Week 7, ni-reverse sweep ng M3 world champion Blacklist International ang league-leading squad na RSG PH upang mamalagi sa gitgitang karera patungo sa playoffs at panatilihing buhay ang kanilang title defense.


Standings sa pagtatapos ng MPL PH Season 9 Week 7

Maraming paggalaw sa mga pwesto ng koponan ang nangyari matapos ang ikapitong bakbakan sa MPL PH Season 9.

Narito ang kasalukuyang standings:

Sundan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 9 sa pamamagita ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.