Mula sa pagiging killer assassin ay nag-evolve si TNC Pro Team jungler Shemaiah Daniel “SDzyz” Chu patungo sa isang objective-oriented player kaya naman tinagurian siyang “Retri God” ng MPL Philippines Season 9.

Kaiba sa kanyang agresibong playstyle sa mga nakaraang season, ngayon ay mas nakapokus na si SDzyz sa pag-secure ng objectives sa buong mapa tulad ng Turtle, Lord at buffs sa tulong ng kanyang malupit na timing sa pagamit ng Retribution battle spell na pinalakas ng Demon Slayer talent sa ilalim ng Jungle Emblem.

At sa kanilang 2-0 revenge sweep laban sa ONIC PH sa Week 7 Day 3, pinakita ng beteranong jungler kung bakit siya ang tinatawag na “Retri God” ngayon.


SDzyz bumida sa malinis na Game 1 win ng TNC kontra ONIC

Sa pagtatapos ng Week 6 ng MPL PH Season 9, itinala ni SDzyz ang pinakamaring Turtle at Lord objectives na nakuha kaya naman sa kasalukuyan ay siya ang kinikilalang “Retri God” ng liga.

Malaki ang ginampanan ng kanyang objective-oriented playstyle sa sa pagselyo ng TNC sa kanilang return ticket papuntang playoffs.

Si SDzyz ang "Retri God" ng MPL PH S9
Credit: MPL Philippines

Ipinamalas ni SDzyz ang kanyang husay sa epektibong paggamit ng retri para pangunahan ang marahil na pinakaswabeng macro gameplay na nasaksihan sa MPL PH Season 9 na ginawa ng TNC sa Game 1 kontra ONIC.

Sa pangunguna ng 19-year-old star na tubong Angeles, dinomina ng TNC ang objective taking sa pamamagitan ng pagkuha ng tatlong Turtle, dalawang Lord at tig-sampung Purple at Orange Buff na na-convert nila sa walong turret at tuluyang 13-minute victory.

Mabilis nakapag-farm ng items si SDzyz sa larong ito kahit pa mababa ang kanyang KDA stats (2-0-2) at mismong kill score (5-5). Nakaipon siya ng 10,489 net worth at nakabili ng apat na core tank items na Cursed Helmet, Guardian Helmet, Radiant Armor at Antique Cuirass.

Sa kabila ng kanyang malinis na performance, mapagkumbaba pa ang manlalarong kilala dati bilang Chuuu at nagawa pa ngang i-downplay ang taguri sa kanya.

“Tingin ko sa sarili ko ‘di naman ‘Retri God’ eh. Parang tsamba lang po. Natsatsambahan ko lang ‘yung retri.”

Paliwanag naman niya sa kanyang mabilis na pag-farm: “Mabagal po kasi ‘yung tempo nila sa mid kaya ang ginawa namin in-invade namin sila at objectives lang po para malinis po ‘yung laro at ‘di na sila makabawi.”

Nanatiling objective-minded si SDzyz sa Game 2 gamit ang Ling at nakipagsanib-pwersa sa Thamuz ni rookie EXP laner Mark “Kramm” Rusiana para maipako ng TNC ang sweep kontra ONIC na tumalo sa kanila sa iskor na 2-1 noong first half ng regular season.

Dahil sa panalo, tumaas ang puntos ng TNC sa 24 at lumapit sa top two spot na may kasamang upper bracket seat pagdating ng playoffs. Samantala, bagamat natalo at nanatili sa No. 4 spot na may 17 points, pasok na ang ONIC sa playoffs.


Para manatiling updated sa mga pangyayari sa MPL PH Season 9, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.