“Sinasabe lagi nila sa content nila na wala kaming panalo sa kanila eh. Kaya ngayon babawi kami. Hindi kayo mananalo sa amin.”

Iyan buwelta ng star roamer na si Dylan “Light” Catipon matapos tulungan ang kaniyang RSG Philippines na patumbahin ang Nexplay EVOS, 2-0 sa kanilang Week 5 Day 2 matchup sa pagpapatuloy ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9 (MPL Philippines Season 9).

Isinaad ito ng RSG PH roamer sa post-match interview kasama si Dexter “Exort” Martinez kung saan inilarawan nila ang nangyari sa nasabing star matchup.


Ipinaliwanag ni Light at Exort ang plays nila sa Game 2

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa parehong panayam, nilinaw ng support duo kung paano nila hinawakan ang hero picks na isinalang ni Coach Brian “Panda” Lim para sa kanila sa Game 2. Pagpapalawig ni Light, maganda raw ang Silvanna pick kontra sa komposisyon na mayroon ang Nexplay.

“Maganda pang-catch especially ng mga tank since katapat ko po noon ay yung Jawhead. So pag nag-iinitiate siya puwede po akong tumakas gamit yung ulti ko. Puwede ko rin po siyang hulihin using my ulti para ma-burst siya kasi siya po yung initiator ng team ng NXPE eh,” ani ni Light.

Hindi naman binigo ng pro ang RSG PH sa kaniyang maniobra. Gamit ang tank Silvanna, nagtala ang roamer ng halos perpektong 0/1/12 KDA para isarado ang serye kontra Nexplay EVOS.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Malaki rin ang inambag ni Exort sa kaniyang Kagura para sa closeout game kontra sa dati niyang koponan. Sa tanong kung paano niya nagawa ang mabilisang burst kontra sa Beatrix ni  Jhonwin “Hesa” Vergara, tinapat ng midlaner kung saan niya nakuha ang ideyang ito.

“Nakita ko lang po yun sa TikTok eh. Para sakin po mas marami pang matututunan sa Tiktok eh. Yun lang, nag-first skill. Nilabas ko lang po yung payong ko. Flicker in. Tapos First skill, second, ulti.”

Disente ang 5/3/8 KDA ang itinala ng beteranong roamer, ngunit hindi maililista ang pakabang hinatid niya sa kaniyang burst combo sa mage lalo na sa malalambot na heroes ng NXPE.

Matapos ang panalo, inamin ni Exort na magaan sa pakiramdam ang makabawi sa kaniyang dating team.

“Parang masarap po sa feeling kasi po last season, tapos yung mga SIBOL, lagi po kaming nadudurog. Parang laging zero po yung score namin against sa kanila. Kaya parang masarap sa feeling ngayon na bumawi. Tiyaka since last season din, nung nakalaban ko yung NXPE as gold lane, 0-2 yun eh. Talo kami. So masarap talaga yung bawi ngayun,” pagbabahagi ng RSG midlaner.


RSG PH winalis ang season matchup kontra NXPE

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Mababalikan na ang Nexplay EVOS ang koponang pumurnada sa tangka ng RSG PH na umakayat sa Playoffs noong MPL Philippines Season 8. NXPE din ang team na pumutol sa kampanya ng koponan ni Light at Exort sa SIBOL 2022 MLBB National Team Selection Selection.

Gayunpaman, unti-unting nabago ng RSG PH ang naisusulat dahil sa unang pagtatapat nila sa MPL Philippines Season 9 ay halata ang gigil ng team na ipinako ang 2-0 sweep kontra Nexplay sa Week 1 Day 2.

Dinala ito ng koponan ni Coach Panda sa ikalawang salang nila kontra sa NXPE, na parehong 2-0 sweep ang inihandog para wakasan ang pag-asa ng kalaban na makabawi.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Desimulado ang galaw ni Light sa Game 1 na inaning ang kalaban gamit ang kaniyang Franco para kuhanin ang maagang 1-0 kalamangan at momentum sa serye. Magilas na 1/1/12 KDA ang itinala ng RSG PH roamer katuwang ng 72.22% kill participation.

Binigyang daan ng madulas na Game 1 ang atake ng koponan, ngayon naman sa panguguna ng signature Esmeralda ni Nathanael “Nathzz” Estrologo na kumana ng perpektong 4/0/9 KDA para sa MVP gantimpala sa Game 2.

Dahil sa panalo, nanatili sa top 3 karera ang RSG PH kasama ang ECHO at TNC Pro Team ML.

Sundan ang pinakahuling balita sa MPL sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Perfect game ng TNC tampok sa reverse sweep kontra Smart Omega