Maagang 2-0 sweep agad ang inihandog ng RSG Philippines sa paboritong Nexplay EVOS sa kanilang Week 1 Day 2 matchup para pagulungin ang kanilang kampanya sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9 (MPL PH S9).

Hindi binigo ni Eman ‘EMANN’ Sangco ang tiwalang ibinigay sa kaniya ni Coach Brian “Panda” Lim dahil perpektong Beatrix ang isinalang ng gold laner sa game 1, kung saan nagpakawala siya ng halos 48k damage dealt katuwang ng 4/0/5 KDA para puksain ang backlines ng NXPE.

Credit: MPL Philippines

Bagamat nakakuha ng maagang kalamangan ang NXPE, hindi sila nakaporma sa kontrol na dala ng henyong mid Phoveus ni Arvie “Aqua” Calderon na nagpahirap sa Jawhead ni Kenneth “Cadenza” Castro at Yve ni Jeniel “YellyHaze” Bata-anon.

Dito pumutok ang damage output ni EMANN na maestro sa kit ng kaniyang marksman hero para bigyang-daan ang 14-10 game 1 panalo.

Credit: MPL Philippines/ Screenshot ni Calvin Trilles (ONE Esports PH)

Nagpatuloy ang momentum ng RSG sa game 2 kung saan bumida naman si Jonard “Demonkite” Cedrix Caranto na nagpakitang-gilas hawak ang kaniyang Lancelot. Agresibong kumuha ng mga team fights ang magilas na jungler na nagtala ng 92% kill participation kasama na ng 5/2/6 KDA.

Credit: MPL Philippines

Matindi man ang depensang inilatag ng Nexplay sa game 2 ay desimulado ang galaw ng RSG na isinentro ang kanilang atake sa pagpigil sa mala-alamat na Ling ni John Paul “H2Wo” Salonga.

Sa puntong iyon naghasik ng lagim si Demonkite na muling pinabilib ang mga miron sa kaniyang mechanical skills para makaselyo ng mga kills gamit ang assassin, at tuluyang tapusin ang laro na umabot pa ng 21 minuto.

Susubukang palawigin ng RSG PH ang kanilang dominanteng play sa harap naman ng M2 World Champions na Bren Esports sa February 25.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsunod sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Mas solido na ang chemistry ng TNC ngayong MPL PH Season 9, ani Benthings matapos nilang walisin ang Omega