Dadako na ang MPL PH Season 9 playoffs ngayong Abril 28 ngunit may latak pa rin ng hype ang mga fans mula sa naganap na bakbakan noong regular season. Sa mga matches na nasaksihan ng mga miron, kapansin-pansin na may nanaig na ilang hero picks na talaga namang naging epektibo para sa mga teams na pumabor dito.

Sinu-sino ba ang top hero picks sa MPL PH S9 regular season? At ano ba ang dahilan kung bakit panay ang pagpili ng teams sa mga heroes na ito?


5 Top hero picks sa MPL PH S9

Esmeralda

Credit: Moonton

Numero uno sa listahan ng top hero picks sa MPL PH S9 ang Esmeralda at hindi na kagulat-gulat kung bakit panay ang pag-pick ng mage lalo na sa meta na mayroon ngayon. Ayon sa pinakahuling data ng MPL, 76 na ulit pinili ang hero at 26 beses naman na ibinan ng kalaban. Sa makailang ulit na pinick ang hero, 39 na beses itong nanalo na katumabas ng 51% overall win rate.

Tipikal na isinasalang ang hero sa EXP lane kung saan kaya nitong mag-sustain kontra sa tipikal fighters at tanks na ipinantatapat dito. At dahil sa kakaibang-lebel ng scaling ng mage sa late game ay swabe ang synergy nito sa karamihan ng team compositions.

May kakayahan din ang Esmeralda users na mag-cut ng lanes para pigilan ang push ng kalaban, gayundin ang kakayahang pumronta at mag-zone sa teamfights para bigyan ng puwang ang kakamping damage dealers. Hindi na kataka-taka na ang pick na ito ay isa sa mga go to picks ng numero unong team na RSG Philippines kung saan ipinapahawak nila ang hero kay Nathaniel “Nathzz” Estrologo.


Beatrix

Credit: Moonton

Matapos ipakita ni Kiel Calvin “OHEB” Soriano ng Blacklist International sa M3 World Championship ang tunay na bangis ng Beatrix, patuloy ang pagiging isa sa top hero picks sa MPL PH S9 ang marksman hero. Swabe ang hero kit ng Mecha Genius at patuloy itong inaabuso ng mga gold laners sa MPL PH.

Kakaibang micro skills ang binibigyan ng posibilidad ng Beatrix dahil kaya nitong magpalit sa pagitan ng kaniyang apat na baril: Renner (para sa nasabing long range damage), Benett (para sa area of effect damage), Wesker (high physical damage sa multiple targets), at Nibiru (para sa rapid fire damage).

Kaya noong regular season, 69 na ulit naisalang ang marksman kung saan nanalo ito ng 41 beses para itala ang mataas na 59% winrate.


Lancelot

Credit: Moonton

Ang Lancelot ang isa sa mga top hero picks sa MPL PH S9 na mula pa noon ay pinapaboran na ng mga teams dahil sa kakayahan nitong mag-snowball. Sa regular season, pangatlo sa listahan ng most picked heroes ang Lancelot na pinili ng 59 times, kung saan 56% sa mga nilarong games gamit ang hero ay panalo.

Natural na popular pick ang hero dahil sa kaniyang mobility at high damage output kaya hindi nagaatubili ang teams tulad ng TNC Pro Team ML at ONIC Philippines na isalang ito sa kanilang games. Nakatulong din na maestro ang kanilang mga junglers na sina Daniel “SDzyz” Chu ng TNC at Kairi “Kairi” Rayosdelsol ng ONIC PH.

Mairarason din ang pagpili ng Lancelot kontra sa ibang assassins dahil mataas ang ban rate sa kapwa niya assassin na Fanny na isa sa mga pinakamalakas na snowball assassins sa Land of Dawn. Gayundin ang masasabi sa meta assassin/mage na si Karina na 54 ulit din binan ng mga teams.


Yve

Credit: Moonton

Kakaibang kontrol ang dala ng Yve sa laro, bukod pa sa mataas na magic damage per second (DPS) na kaya nitong iambag sa mga teamfights. Alam ito ng mga teams, kaya naman isa sa top hero picks sa MPL PH S9 ang mage. Dahil sa epekto nito sa gameplay, gayundin ang priority ng ban sa hero.

Ayon sa datos mula sa liga, 56 times na napili ang Yve ngunit tinanggal din ito sa draft ng 62 beses. Sa mga numero pa lamang na ito ay mapapansin na isa itong asset kapag napapasama sa komposisyon. Magandang gawing reperensiya ang maniobra nina Jankurt “KurtTzy” Matira ng ECHO Philippines at Jomarie “Escalera” Delos Santos kung papaano ilabas ang tunay na kakayahan ng control mage in-game.


Chou

Credit: Moonton

Kung pipili ng hero na hihiranging meta roamer ng season, ang Chou ang pangunahin sa listahan. Kakaiba ang dalang dating ng roam fighter sa komposisyon ng team dahil bukod sa mobility nito sa mapa, ay kaya nitong mag-setup ng kidnap plays para pumitas at magbigay daan sa pagkuha ng objectives. Desente din ang dalang sustain ng hero lalo pa kung nabuuan ng angkop na tank items.

Hindi na kagulat-gulat na isa sa top picks sa MPL PH S9 ang Chou na pinili ng 56 times na halos kawangis ng ilang ulit itong binan (60 times banned). Sa listahan ng top picked heroes dito, numero uno ang Kung Fu Boy na may 62% win rate, patunay na meta ang fighter sa role na ginalawan niya ngayong season.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL sa pamamagitan ng pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Paano gamitin ang Karina? TNC SDzyz nagbigay ng tips sa mga gustong gumaling sa assassin/mage