Marami ang nabigla sa ipinakitang tindig ng Falcon Esports sa Group Stage ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022) kung saan pinagharian nila ang Group A na may 3-1 kartada.

Pinanganga ng team galing Myanmar ang mga miron ng itabla ang BO2 kontra home team na Todak, bago pagulungin sa kangkungan ang paboritong ONIC Esports, 2-0, na epektibong nagpauwi sa highly ranked squad pabalik ng Indonesia.

Credit: MSC 2022

Gayunpaman, hindi na raw nagulat si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza at ang kaniyang Blacklist International sa performance na ipinakita ng Falcon Esports sa group stage.


Coach BON CHAN: Hindi tumigil sa practice ang Falcon Esports

Sa isang vlog na inilabas ng MLBB personality sa kaniyang YouTube channel, ibinahagi niya ang dahilan kung bakit ganoon na lamang kahusay ang play ng team mula Myanmar.

“Kame, as Blacklist, hindi kami nagugulat kung bakit malakas sila,” paglalahad ng dekoradong coach.

Credit: MSC 2022

Malaking rason daw kung bakit ganoon na lamang ang ipinamalas ng Myanmar team ay ang hindi pagtigil sa pag-eensayo ng koponan sa gitna ng mga hadlang sa kanilang bansa.

“Since noong Season 7 nung nagkaroon ng problema yung country nila, hindi sila tumitigil mag-practice. Panay namin sila nakaka-scrim hanggang sa point na tinanong namin sila: Bakit kayo nagprapractice? Anong pinaghahandaan niyo?”

Credit: MSC 2022

Dagdag pa ni BON CHAN, “Kung maalala niyo, nagkaroon ng problema sa country nila kung saan nagkaroon ng Martial Law and kung anu-ano pa man and natigil yung mga ML competition. So magtataka talaga kayo kung bakit yung Myanmar nakakasabay sa Indonesia and sa mga ibang bansa, samantalang wala namang kumpetisyon na nagyayari sa country nila.”

Inamin din niya na noong una ay nagtataka rin ang kanilang panig kung bakit patuloy at puspusan pa ring naglalaro ang Falcon Esports. Simple lamang daw ang tugon ng koponan dito ayon kay BON CHAN. “Dahil mahal nila yung laro at ayaw nilang mawala sa laro just in case na ma-lift na yung restrictions sa country nila pagdating ng mga tournament ay palag-palag pa rin talaga sila.”

Ngayong gumulong na ang MSC 2022, nagbunga na daw ang pinaghandaan ng team, kahit pa nagmukhang dehado sa grupong kinabilangan din ng Todak at ONIC Esports.

“And nakita naman siguro naten na nagbubunga na yung ginagawa nila since Season 7. Panay namin sila nakaka-scrim. Grabe. Grabe yung ginawa nilang training from Season 7 up until today pinapakita nila kung ano yung prinactice nila,”

Susubukang ipagpatuloy ng Falcon Esports ang kanilang momentum mula sa magilas na performance sa Group Stages, ngayon naman ay sa harap ng paboritong RSG Philippines sa playoffs ngayong June 14.

Sundan ang pinakahuli sa MSC 2022 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Alamin kung paano pinagana ni RSG PH Demonkite ang jungle Julian sa MSC 2022 Group Stage