Hindi na bago sa dating Aether Main/BREN Esports superstar na si Yuji “MageDad Yuji” Aizawa ang usaping international pro player. Mababalikang si Yuji ang isa sa mga unang MLBB superstars mula sa Pilipinas na tinangkang bunutin ng mga koponan mula sa ibang MPL regions.

At ngayong patuloy na umuugong ang bulong-bulungan tungkol sa planong pagtawid ni Duane “Kelra” Pillas ng Smart Omega sa puder ng MPL Indonesia, nagpahayag ang beterano ng ilang saloobin tungkol dito.


May pros at cons ang paglipat ni Kelra sa MPL ID

Credit: MPL PH at RRQ Hoshi

Sa isang eksklusibong panayam kasama ng ONE Esports Philippines, ibinahagi ng personalidad ang kaniyang saloobin tungkol sa paglipat ng sinumang MPL PH pro player patungo sa ibang liga, kasabay na din ng kanyang mga komento sa paglipat ni Kelra sa MPL ID.

Aniya, maaaring makatulong at maaari ding makapagpahirap sa Smart Omega gold laner kung matutuloy man ang kaniyang pagtawid.

“Pros is new environment kay Kelra. Marami syang matututunan sa Indonesia and lalo pa mag-iimprove skillset ‘nya. Ibat-ibang rotation, experience and teachings ang pwede nya ma-gain doon,” banggit ng MPL S1 champion.

Sa kabilang banda, hindi itinago ni Yuji ang maaaring maganap at ang mga pagsubok na kahaharapin ng 17-anyos na pro sa dekalibreng liga tulad ng MPL ID.

Ayon sa dating Aether Main midlaner, malaking konsderasyon daw ang language barrier at posibleng racism at bullying.

Pagpapalawig niya, “Communication is the largest factor contributing for a team to win a game. Kahit na sabihin nating marunong mag english si Kelra pero yung magiging kakampi nya sa Indo ay hindi nag-eenglish. Wala din. Hindi naman pwede lagi kang may translator sa tabi mo specially in-game.”

“Also mahirap maging ofw. Possible ma-homesick siya. Adjustment to new environment is hindi madali. And the riskiest is baka yung gameplay mo is hindi mag-fit in Indo team,” sambit pa ng beterano.


MageDad Yuji: Hindi malayo ang pagtawid ng MPL PH pros sa ibang regions

Credit: MageDad. Yuji

Bagamat may pros at cons daw ang pagiging international pro player ayon kay MageDad Yuji, ang katotohan daw ay malaki ang tiyansang mangyari ito dahil simula pa noon ay kinatatakutan na talaga ang Pilipinas pagdating sa larangan ng Mobile Legends.

“Marami na tayong sinet na records and meta na talagang tumatak na sa history ng ML. Also, mechanically-gifted talaga when it comes to gaming ang mga Pinoy,” dagdag pa niya.

Tungkol naman sa epekto nito sa liga, inilahad ni Yuji na nakadepende ito sa magiging performance ng mga unang makikipagsapalaran dito, kagaya na lamang ng plano ni Kelra sa MPL ID.

Credit: MPL PH

“If mag champion, more and more na kukuha sila ng mga Pinoy players and mas magiging valuable yung mga players dito saten. Of course, tataas lalo yung level of competition satin kasi hindi ka lang dito sa Pinas pwede maging pro, pati sa ibang bansa,” paliwanag pa niya.

Matatandaan na bago gumulong ang bulung-bulungan sa paglipat ni Kelra sa MPL ID, nauna ng mabigyan ng mga alok na maglaro sa Indonesia ang beterano.

“That time, gustong gusto ko talaga lumipad na, they are willing already to book my flight after a day na mag usap kami ng BTR team to test me and to prepare agad for the next MPL ID. Siyempre big deal yun kase ako magiging kauna unahang import,” paglalarawan ni Yuji.

Ngunit ayon sa personality, mas naging matimbang daw ang kaniyang pamilya kaysa sa kaniyang karera kaya nanatili siya dito sa Pilipinas. Gayunpaman, sinabi niyang “ang sarap sa pakiramdam na may nag offer sayo and 2 teams pa.”


Matutupad kaya ang tangkang paglipat ni Kelra sa MPL ID? Antabayanan ang pinakahuling balita tungkol dito sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook.