Lumipad ang Wanwan ni star gold laner Duane “Kelra” Pillas sa mabilis na 2-0 pangwawalis ng Smart Omega kontra TNC sa huling serye ng Week 2 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Malahalimaw na performance ang ipinakita ni “The Filipino Savage” gamit ang Agile Tiger matapos kumana ng perpektong kill-death-assist record sa dalawang laro ng serye. Dahil dito, natulungan niya ang Barangay Omega na makuha ang back-to-back wins sa linggo at umangat sa 3-1 series win-loss.

Tumabla rin ang OMG sa Blacklist International at ONIC PH sa tuktok hawak ang 8 puntos. Samantala, patuloy ang malalang losing streak ng Phoenix Army na lumagapak sa kanilang ikaapat na sunod na 0-2 defeat.


Wanwan ni Kelra tumikada ng perpektong KDA sa 2-0 panalo ng OMG kontra TNC

Kelra
Credit: ONE Esports

Maaga pa lang ay sinindihan na ni Kelra ang nagbabagang tempo ng Smart Omega salamat na rin sa proteksyon ng kanyang mga kakampi. Sinubukan ng TNC na makapag-comeback mula sa mega minions nang mag-split push sila sa top lane at nakawin ang Lord sa 17-minute mark ngunit napigilan sila ng MSC 2021 MVP at ni Deomark “Mikko” Tabangay (Ruby).

Si Kelra na rin ang naglatag ng finishing touches sa 21-minute 14-7 victory matapos niyang patumbahin si Mark “Kramm” Rusiana (Dyrroth) at manaig sa 1v1 nila ni Robee Bryan “Yasuwo” Pormocille (Beatrix). Malinis na 8/0/2 KDA (71% kill participation) ang ipinukol ng OMG ace gold laner na bumitaw din ng mahigit 80K damage.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Hindi ulit ipinahiya ni Kelra ang 4-protect-1 na taktika ng Omega para sa kanya pagsapit ng Game 2. Matapos puguin ang Clint ni Yasuwo sa top lane, nagtuloy-tuloy na ang paglipad ng kanyang Wanwan patungo sa isa na namang perpektong laro.

Tumikada siya ng 11/0/1 KDA (86% kill participation), nakakamanghang 903 gold per minute at mahigit 48K damage 14-2 dominasyon sa loob lang ng 12 minuto. Tampok din ang kanyang 1v4 situation kontra TNC sa top lane kung saan nakapagtala pa siya ng triple kill matapos mabitawan ang Crossbow of Tang ultimate.

Ikatlong sunod na panalo ang aasamin ng Smart Omega sa kanilang pagharap kontra Nexplay EVOS sa unang araw ng Week 3. Tatangkain naman ng TNC na makuha na ang kanilang unang panalo laban sa ECHO sa Week 3 Day 2.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: SUPER FRINCE at ONIC PH binokya ang RSG PH sa Game 2, kinumpleto ang 2-0 sweep