Sumandal ang RSG Philippines sa beteranong EXP laner na si Kenneth “Kenji” Villa para maitala ang una nilang panalo sa gumugulong na Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Matapos walisin ng Smart Omega noong opening day, ibinangko muna ng defending MPL PH at MSC champions si Nathanael “Nathzz” Estrologo para muling paglaruin si Kenji. Nagbunga para sa koponan ang desisyong ito matapos nilang ibigay sa TNC Pro Team ang ikatlong sunod na pagkatalo.

Ruby at Uranus ni Kenji nagpakitang-gilas sa RSG PH vs TNC


Kenji muling bumida para makuha ng RSG PH ang unang panalo sa MPL PH S10
Credit: ONE Esports

Mahigpit ang hawak ng gigil na Kingslayers sa kalamangan sa unang mapa ng serye. Agad nagpakitang-gilas ang Ruby ni Kenji na nagtala ng unang dalawang kills ng kanyang koponan. Sunod-sunod ang team fight, at bagamat bahagyang nakakabwelta ang pwersa ng TNC sa ilan ng mga ito, hindi ito naging sapat para mabaliktad ang takbo ng laro.

Sa late game, sumilong ang RSG PH sa payong ng Kagura ni Arvie “Aqua” Antonio para maselyo ang panalo. Kumana ng clutch Double Kill ang midlaner ng Raiders sa huling Lord fight bandang 16-minuto ng bakbakan para mapasabog na sa wakas ang base ng kalaban. Siya rin ang nakapagtala ng game-high five kills at 33,344 damage dealt para kilalanin bilang MVP ng game one.

Kenji muling bumida para makuha ng RSG PH ang unang panalo sa MPL PH S10
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Sa ikalawang mapa, muling bumida si Kenji sa isang EXP lane hero na hindi na masyadong nagagamit sa kasalukuyang meta—ang Uranus. Siya ang tumangke sa karamihan ng damage ng kalaban pero tatlong beses lang siyang nahuli ng mga Phoenix.

Hindi naman nagpatinag ang TNC. Napahaba nila ang laban matapos magpamalas ng disiplina sa mga team fight. Muntik nang magbunga ang pagtitiyaga nilang ito, hanggang sa mapitas ang Akai ni Ben “Benthings” Maglaque at Lylia ni Jomearie “Escalera” Delos Santos bandang 26-minuto ng laban.

Binuksan nito ang pagkakataon na simulan ng RSG PH ang Luminous Lord. Bagamat ang Retribution ni Daniel “SDzyz” Chu ang sumelyo sa naturang objective, nagsilbing kabayaran dito ang buhay ng lahat ng kanilang mga miyembro.

Kenji muling bumida para makuha ng RSG PH ang unang panalo sa MPL PH S10
Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Hinirang na MVP ng 29-minutong game two ang Uranus ni Kenji na nagtala ng tatlong kills at pitong assists kontra tatlong deaths.

Sasalang muli ang RSG PH sa Linggo, ika-21 ng Agosto, kontra ONIC Philippines. Gaganapin ang kanilang bakbakan sa ganap na ika-anim ng hapon. Masusubaybayan ang mga laban sa MPL PH S10 sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kairi nag-debut na sa ONIC Esports, MVP agad sa unang laro sa MPL ID Season 10