Emosyonal na humarap sa media ang team ECHO matapos biguin ng Smart Omega sa unang matchup na itinampok sa MPL Philippines Season 9 Playoffs. Sa nasabing panayam, hindi itinago ng ECHO Coach na si Michael “Arcadia” Bocado ang kirot na dala ng 0-3 pagwawalis ng OMG at ang napurnada nilang kampanya papunta sa inaasam na tropeyo.

Credit: ONE Esports PH

Inamin ng beteranong mentor na talagang mababa ang morale ng team ngayong naging supot ang kanilang biyahe sa playoffs. “First of all, very disappointed [kami] sa nangyare. Sa resulta. Puro comeback. Siyempre ‘pag comeback sobrang sakit talaga. Malungkot yung mood namen at the moment pero di kami susuko.”

Dagdag ni ECHO Coach Arcadia, “Siguro mayroon ding mga breaks of the game. Kumbaga sa basketball, hindi nasalo yung pasa. It is what it is. Talagang hindi lang namen na-close out.”


ECHO Coach Arcadia sinabing hindi susuko sa kanilang biyahe papunta sa kampeonato

Sa tanong kung ano ang naganap sa backstage matapos ang kanilang hindi inaasahang resulta, inamin ni ECHO Coach Arcadia ang hapdi ng pagkatalo ng 3rd seeded team ng regular season.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

“Sa totoo lang kahit ako napatahimik. Kasi binigay talaga namen lahat this season. Lahat ng players ko, binigyan ko sila ng individual challenge. Lahat talaga sila nag-step up para magawa yung challenges na ‘yon. So ayon, masakit talaga samen yung pagkatalo. Pero sinabe ko sa kanila, and hindi kami susuko,” banggit pa niya.

Inilarawan din ni ECHO Coach Arcadia ang preparasyon ng team bagamat kinulang sa mismong bakbakan. “Kung mapapansin nyo sa MPL regular season, kapag natatalo kami ng Game 1 nahihirapan kami mag-comeback sa Game 2. So to the last 2 weeks [bago] ng playoffs namen ang pinaka-focus talaga namen is maging ano mentally-ready.”

Si ECHO star goldlaner naman na si Benedict “Bennyqt” Gonzales, inamin din ang naramdamang bigat ng team bago pa man magsimula ang kanilang Season 9 kampanya.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

“Actually alam namin naman na may pressure yung [sa] team. So hindi nalang namin inisip na may nag-eexpect sa amin. Nilalaro lang po yung laro namin, kung ano yung nasa scrims, trinatry lang namin i-apply sa tournament.”

Matapos ang bakbakan, malalaglag ang ECHO at aabante naman ang Smart Omega na haharap sa matikas na TNC Pro Team ML.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL sa pamamagitan ng pag-follow at pag-like ng Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Smart Omega winalis ang ECHO sa play-ins ng MPL PH S9