Ipinakita ni rookie jungler Kyle “KyleTzy” Sayson na pwede siyang maging susunod na Lancelot star ng Bren Esports matapos ang kanilang 2-1 reverse sweep kontra Smart Omega sa unang serye sa ikaapat na linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Pagkatapos magsalitan nila Joshua “Ch4knu” Mangilog at Rowgien “Owgwen” Unigo ng magandang performance sa Franco, nailabas sa wakas ni KyleTzy ang kanyang signature assassin hero sa deciding Game 3 kung saan nagpamalas siya ng perpektong laro upang pangunahan ang dominanteng panalo ng kanyang koponan.

Tila nahanap na ng Bren Esports sa anyo ng 16-year-old pro ang kanilang bagong Lancelot star player sunod kay former jungler Karl “KarlTzy” Nepomuceno, na malaki ang ginampanan sa kanilang M2 World Championship run gamit ang naturang assassin.


Lancelot ni KyleTzy pumutok sa Game 3 ng Bren vs OMG

KyleTzy
Credit: MPL Philippines

Gaya ng kadalasang nangyayari, gumana na naman ang pamosong lason ng Smart Omega sa late game at gumawa ng isa na namang malupit na comeback win. Tatlong Turtle at unang Lord kasama pa ang 3-for-0 exchange sa pangunguna ng Kadita ni Angelo “Pheww” Arcangel ang agad kinuha ng Bren Esports.

Ngunit naagaw ng OMG ang Luminous Lord sa 15-minute mark matapos ma-hook ng Franco ni Ch4knu si Marco “SUPER MARCO” Requitano (Claude). Nakabawi rin naman ang Bren nang i-secure nila ang Evolved Lord at magtala ulit ng 6K gold lead subalit ‘di nila nagawang maisara ang laro kaya naman nagkaroon ng pagkakataong sumipa ang lason ng Omega.

Sa 25th minute, sinubukan ng Bren na mag-focus fire kay Duane “Kelra” Pillas (Clint) pero naprotektahan siya ni Ch4knu at iba pang mga kakampi. Nagresulta ito sa 3-man kill at Lord para sa panig ng Barangay bago nila tuluyang iselyo ang panalo. Hinirang na MVP sa 26-minute comeback victory si Ch4knu na nagtala ng 75% kill participation at gumawa nang ilang Iron Hook plays.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Pagsapit ng Game 2, si Owgwen naman ang nagpakitang-gilas sa kanyang Franco. Sinindihan niya ang isa na namang maagang agresyon at kontrol sa mapa ng Bren Esports na nagpatuloy na sa isang 10-5 dominasyon sa loob ng 15 minuto.

Tumikada ng 8 assists at 80% kill participation ang rookie roamer pero ang pag-shut down niya kay Dean “Raizen” Sumagui (Paquito) ang talagang nagpaandar sa makina ng koponan sa itim at dilaw. Dahil din sa kanya, madaling nakaipon ng core items si SUPER MARCO (Karrie) na nagbitaw ng malaking damage sa mga skirmish at turret siege.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sa unang pagkakataon ngayong season, napakawalan ang signature Lancelot ni KyleTzy at hindi niya sinayang ang pagkakataon para ipakilala ito sa pro scene. Armado pa ng High and Dry Assassin emblem, walang katakot-takot ang rookie jungler sa pagpasok para pumaslang ng mga kalaban.

Kumana si KyleTzy ng 8 kills at 3 assists (79% kill participation) nang hindi namamatay sa 14-2 pandudurog ng Bren sa Omega sa loob lamang ng 10 minuto. Nasiguro rin niya ang lahat ng Turtle at Lord objectives sa maiksing laro.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sinunggaban ng Bren Esports ang solo No. 6 hawak ang kanilang 7 puntos mula sa 2-4 series win-loss record. Kinapos naman ang Smart Omega na maungusan ang ONIC PH sa No. 1 at natablahan lang ang kanilang 13 puntos na may 4-3 kartada.

Tatangkain ng Bren na ipagpatuloy ang momentum laban sa Nexplay EVOS bukas habang susubukan naman ng Omega na makabawi kontra RSG PH sa simula ng second half ng regular season sa susunod na linggo.


Subaybayan ang mga pangyayari sa sa MPL PH Season 10 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.