Pinatunayan ni rookie jungler Kyle Angelo “KyleTzy” Sayson na kaya niya talagang makipagsabayan sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) nang dalhin niya ang Bren Esports sa una nilang panalo sa pamamagitan ng 2-0 sweep laban sa TNC Pro Team.

Nagpakitang-gilas ang 16-year-old player sa kanyang Ling sa unang laro bago makipagsanib-puwersa kay rookie roamer Rowgien “Owgwen” Unigo upang makabangon ang Bren mula sa mapait na 1-2 pagkatalo sa ONIC PH.

Sa kabilang banda, nalasap naman ng Season 9 dark horse na TNC ang kanilang ikalawang sunod na talo ngayong season matapos ring mawalis ng Nexplay EVOS kahapon.


Perpektong KDA itinala ni KyleTzy sa unang panalo ng Bren Esports sa MPL PH S10

Credit: MPL Philippines

Nagpasiklab ang ex-Alpha Esports pro jungler gamit ang Ling upang paandarin ang atake ng marksman-less lineup ng Bren Esports kontra sa 4-protect-1 draft ng TNC na nakapokus sa Karrie ni Robee Bryan “Yasuwo” Pormocille sa Game 1.

Tumikada si KyleTzy ng 5 kills at 7 assists (86% kill participation) nang hindi namamatay sa 15-minute victory. Sinimulan niya rin ang pampanalong clash kung saan binura nila ang tatlo sa TNC bago rumekta sa base.

KyleTzy Game 1 MVP
Credit: MPL Philippines

Bumida ulit si KyleTzy gamit naman ang Thamuz at sinindihan ang mainit na tempo ng Bren sa Game 2 kasama ang Diggie ni Owgwen para maitala ng boys in black and yellow ang malinis na 16-minute win.

Siniguro ng bagitong jungler na makukuha ng kanyang koponan ang lahat ng Turtle at Lord objectives sa tulong na rin ng vision mula sa bomba ni Owgwen. Sa pangalawang pagkakataon, hindi na naman napatumba si KyleTzy na kumana ng 3 kills at 1 assist.

Credit: MPL Philippines

Makakaharap ni KyleTzy ang kanyang idolo na si Karl “KarlTzy” Nepomuceno at ECHO sa ikalawang serye sa unang araw ng Week 2. Bago ito, tatangkain naman ng TNC na masungkit ang kanilang unang panalo laban sa defending champion RSG PH.


I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa MPL PH at Mobile Legends.