Nakabangon ang Nexplay EVOS mula sa pagkabigo sa unang araw ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) at nilista ang unang panalo matapos nilang pabagsakin ang TNC Pro Team, 2-0, sa ikalawang araw ng liga.

Nagpakitang-gilas ang Natalia ni dating ONIC PH roamer Mico “Micophobia” Quitlong sa Game 1 habang ang Beatrix naman ni sophomore gold laner Mariusz “DONUT” Tan ang nagpasiklab sa Game 2 upang maka-bounce back ang NXPE mula sa 1-2 defeat sa kamay ng Blacklist International.


Micophobia at DONUT nanguna sa 2-0 sweep ng Nexplay EVOS kontra TNC

Micophobian ng Nexplay EVOS
Credit: MPL Philippines

Maagang umarangkada ang dark horse ng nakalipas na season na TNC sa Game 1 salamat sa mabilis na pag-ikot ng Baxia ni Shemaiah Daniel “SDzyz” Chu sa mapa. Ngunit naagaw ng Nexplay EVOS ang kalamangan sa 9th minute nang kumana ng triple kill ang Beatrix ni Mariusz “Donut” Tan sa clash sa ilog sabay kuha ng unang Lord.

Inubos ng NXPE ang lahat ng tore ng TNC sa 11th minute pero nagawa pa ring makadepensa ng Phoenix Army kahit pa may Enhanced Lord. Tinangka pang patagalin nila SDzyz ang laro subalit isang classic Natalia segway play ang ginawa ni Mico “Micophobia” Quitlong upang iselyo ang panalo sa loob ng 14 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sina John Paul “H2wo” Salonga (Hayabusa) at Nexplay EVOS naman ang may hawak ng kalamangan mula early hanggang mid game sa sumunod na bakbakan ngunit nakapalag ang TNC dahil na-secure ni SDzyz (Akai) ang ikalawa at ikatlong Lord kill.

Pero pagsapit ng ikaapat na Lord fight, tinunaw ng Beatrix ni DONUT ang apat na kalaban at tuluyang na-wipe out ng NXPE ang TNC para itala ang 19-11 victory sa loob ng 20 minuto. Hinirang na MVP si DONUT matapos siyang pumukol ng 12/2/5 KDA, 85% kill participation at mahigit 107K damage.

Credit: MPL Philippines

Sunod na babanggain ng Nexplay EVOS ang mga bagong mukha ng ONIC PH sa unang serye ng Week 2 Day 2 sa ika-20 ng Agosto. Susubukan naman ng TNC na makabawi sa unang serye bukas laban sa Bren Esports na tatangkain ding makabawi matapos madapa kontra ONIC.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.