Hindi nagpatumpik-tumpik si Kiel “OHEB” Soriano at ang kaniyang Blacklist International na pagulungin ang kanilang tangka na kuhanin muli ang korona pagkaraang itumba ang Nexplay EVOS, 2-1 sa Day 1 ng regular season ng MPL Philippines Season 10.

Bida ang Blacklist goldlaner sa nasabing serye na pinatunayan kung bakit sakto ang palayaw niya bilang “The Filipino Sniper”. Pulbos sa Beatrix ni OHEB ang Nexplay na kinalawit ang MVP gantimpala sa game one, at nagawa pang ilista ang unang Savage sa liga sa pagtatapos ng deciding game three.


OHEB, Blacklist nakipagdikdikan sa NXPE sa Day 1 ng S10

Credit: Maouie Reyes/ ONE Esports PH

Ipinakita ni OHEB ang pagiging maestro gamit ang marksman hero sa tatlong larong kinatampukan ng dalawang bigating teams. Malinis na 6/1/3 KDA ang pinakawalan ng 18-anyos sa unang sultada, at kahit pa bigo ang kaniyang team sa game two ay hindi pinayagan ng batang pro na mapurnada ang pagbabalik ng V33Wise sa MPL.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sinakyan ng goldlaner ang dominanteng early game ng kaniyang koponan sa game three, bago pakawalan ang matinding damage sa base ng Nexplay at itala ang Savage, na unang makakamit ng isang player ngayong season.

Kasabay nito, hinirang din na MVP sa decider si OHEB.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Bagamat nanaig sa matchup ang Blacklist, pukpukan ang naging tapatan sa pagitan ng dalawang bigating teams.

Matapos ang mala-obrang opener, nagbadya ang 2-0 sweep para sa panig ng koponan ng Tier One. Gayunpaman, hindi pinayagan ng Nexplay na maagang magapi sa inantabayanang salpukan.

Sa game two ng serye, isinalang ng NXPE ang composition na binuo ng position 5 Natalia, katuwang ang Claude at Dyroth sa sidelanes, jungler Hayabusa at mid Julian.

Nagbunga ang nasabing lineup na ito dahil maagang sinindhan ng White Tigers ang kanilang opensiba na nagdala sa kanila sa 11-2 kalamangan walong minuto sa laro. At kahit pa kaharap ang mala-alamat na Estes ng “The Queen” ay hindi na nakabalik sa pagkalubog ang Blacklist dala ng brilyanteng plays ni Mico “Micophobia” Quitlong.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Rumebanse naman ang BLCK sa game three partikular sa drafting. Ibinigay ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ang Natalia jungle sa kamay ni Danerie “Wise” Del Rosario, katuwang ang signature Diggie ni Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna.

Credit: MPL Philippines

Dahil sa ibang-klaseng balanse ng opensa at depensa, sinindihan nito ang malaking kalamangan sa early game para sa dekoradong team na sinandalan nila para tapusin ang laro sa loob lamang ng 12 minuto.

Sundan ang kampanya ng teams sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: Matapos walisin ang Kings of SEA, E2MAX inaming nagsisimula pa lang silang bawian ang RSG PH