Hindi pa sapat ang pagwawalis na naitala ng Smart Omega kontra RSG Philippines para buksan ang Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Ito ang ibinahagi ni Patrick “E2MAX” Caidic nang tanungin patungkol sa kanyang pakiramdam matapos ang nasabing tagumpay kontra defending champions hindi lang ng MPL PH, kung hindi pati na rin ng MLBB Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022).

“Masaya ako sa result pero hindi ko ‘to tinitignan na bawi talaga namin sa kanila kasi ‘yung talo nila samin ang laking bagay yon samin, kasi playoffs, tapos parang kaya pa namin mag-champion sana kung nakalusot kami sa kanila,” paliwanag ni E2MAX.

OMG E2MAX matapos walisin ang RSG PH: ''Di pa 'to ang bawi namin sa kanila'
Credit: ONE Esports

Matatandaang ang RSG PH ang naging hadlang para sa Smart Omega na depensahan ang kanilang pananakop sa buong rehiyon. Kinailangan ang lahat ng laro ng best-of-five series sa lower bracket ng final ng MSC 2022 playoffs bago tuluyang matalo ng RSG PH ang noo’y kinikilalang Kings of SEA.

Ang dalawang koponan na nagbukas ng MPL PH S10 din ang nagharap noong grand final ng nakaraang season, kaya’t dagdag ni E2MAX, nagsisimula pa lamang sila sa kanilang pagbwelta:

“Masaya kami sa resulta pero hindi pa ito yung bawi namin sa kanila, for sure. Marami pa silang aabangan sa amin.”

Nais naman daw nila E2MAX na tingalain ngayong MPL PH S10

OMG E2MAX matapos walisin ang RSG PH: ''Di pa 'to ang bawi namin sa kanila'
Credit: ONE Esports

Inamin din ng coach ng koponang si Jomie “P4kbet” Abalos na bagamat naniniwala silang kaya nilang talunin ang koponang pinangungunahan ni Dylan “Light” Catipon, hindi raw nila inasahang pangingibabawan nila ito nang ganon.

“Noong MSC muntik na kami manalo eh, kinulang lang talaga kami. Kaya ngayon kami nagbabawi ng mga panalo,” dagdag niya.

Pinaghandaan daw talaga nina E2MAX ang kanilang muling paghaharap kontra RSG PH. Ani Coach P4kbet, hindi raw matatawaran ang lakas ng Raiders sa early game, kaya’t sinubukan nila itong sabayan gamit ang well-rounded na draft na may lakas sa early at late game.

Hindi pangkaraniwan para sa Barangay Omega ang magpakitang-gilas sa simula ng liga. Madalas silang nasa panganib na ma-eliminate bago ang playoffs, pero nakakapagpamalas ng kakaibang husay pagtungtong sa huling yugto ng turneo.

OMG E2MAX matapos walisin ang RSG PH: ''Di pa 'to ang bawi namin sa kanila'
Credit: ONE Esports

Ito raw ang nais baguhin ni Coach P4kbet sa kampanya ng Smart Omega ngayong MPL PH S10.

“Sobrang dami naming binago nitong Season 10 kasi medyo hindi kami talaga nagpe-prepare sa mga opening. Sabi namin, ‘try naman natin good start naman ‘yung gawin natin, ‘yung tayo naman ‘yung mauuna para tayo ‘yung titignan nila, hindi ‘yung tayo ‘yung nasa ilalim… para may takot din sila sa amin,” sambit niya.

Para magawa ito, ibinahagi ni E2MAX na nagdoble-kayod sila para makamit ito at masaya silang naging bakas ang kanilang tagumpay kontra RSG PH sa pagpupursigeng ito.


Susunod sa listahan ng makakaharap nina E2MAX ay ang kampeon ng M3 World Championship na Blacklist International. Gaganapin ang kanilang bakbakan sa Sabado, ika-13 ng Agosto, sa ganap na ikawalo ng gabi.

Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: MPL PH Season 10: Storylines, schedule, resulta, format, at saan mapapanood