Binuhos ni Arvie “Aqua” Antonio ang kanyang pinakamalakas na laro sa do-or-die Game 5 upang manaig ang RSG PH kontra Smart Omega sa dikdikang lower bracket finals ng Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022.

Nagpasiklab ang beteranong support-mage na si Aqua sa kanyang Yve para madomina ng Raiders ang huling laro ng napakainit na MPL Philippines Season 9 finals rematch sa entablado ng MSC 2022.

Pasok ang RSG PH sa best-of-7 grand finals bukas kung saan susubukan nilang bawian ang RRQ Hoshi ng Indonesia at panatilihin ang MSC trophy sa kamay ng Pilipinas.

Nakatakda namang magkaroon ng panibagong “Kings of SEA” dahil out na sa torneo ang MSC 2021 champs mula sa Omega na nagtapos sa top 3 ngayong taon.


Yve ni Aqua nagpasiklab sa dulo ng RSG PH vs Smart Omega faceoff sa MSC 2022

Aqua ng RSG PH
Credit: MSC 2022

Sa kabila ng panalo ng Smart Omega sa Game 4 para maitabla ang serye sa 2-2, hindi nagpatinag ang RSG PH at agad na binaon ang malaking kalamangan sa early game salamat sa Chou ni Dylan “Light” Catipon at Akai ni Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto.

Pagdako ng mid game, matalinong positioning ang ginawa ni Aqua para swak na mailatag sa mga team fight ang kanyang Real World Manipulation ultimate na pinalagkit pa lalo ng Ice Queen Wand. Katambal niya sila Nathanael “Nathzz” Estrologo (Thamuz) at Eman “EMANN” Sangco (Claude) sa pagbitaw ng gumuguhit na damage laban sa mga hero ng Omega.

Ipinako ng RSG ang dominanteng 15-6 victory matapos ang 17 minutong laban kung saan tumikada si Aqua ng perpektong 7/0/7 KDA, 93% kill participation at mahapding 57K damage.

Sa makapigil-hiningang Game 1, pinakita na naman ng Omega na sila ang hari ng late game. Basag na ang lahat ng inhibitor turrets nila pero nagawa ng Barangay na manaig sa pinakahuling Lord fight sa likod ng Xavier ni captain Patrick “E2MAX” Caidic, Esmeralda ni Duane “Kelra” Pillas at Masha ni Renz “Renzio” Cadua para ilista ang 29-minute comeback win.

Subalit napasakamay ng MPL PH Season 9 MVP na si Light ang kanyang Franco sa Game 2 at hinila niya ang niya RSG PH patungo sa 16-11 panalo sa loob ng 26 minuto sa pamamagitan ng kanyang mga crucial na Iron Hook.

Credit: MSC 2022

Oras naman ng Raiders na kumana ng nakakamanghang comeback sa dikdikang Game 3 kung saan nagpakitang-gilas si EMANN sa kanyang Karrie na kumamada ng 7/3/3 KDA at nagpakawala ng 118K damage.

Ngunit naipwersa nga ng Omega ang win-or-go home matapos nilang sunggaban ang Game 4 sa pangunguna ng mala-palos na Fanny ni Dean “Raizen” Sumagui. Nagtala si Raizen ng 3/0/2, 49K damage at ilang importanteng plays para maselyo ang 22-minute victory.

Credit: MSC 2022

Nakausad ang OMG sa lower bracket finals at siguruhin ang top 3 finish pagkatapos nilang walisin ang Falcon Esports ng Myanmar.


I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa MSC 2022 at Mobile Legends.