Isang buhay na patunay si RSG PH midlaner-support Arvie “Aqua” Antonio sa nakakamanghang resulta ng sipag at dedikasyon.

Kahit dumaan sa maraming kabiguan sa unang apat na seasons niya sa MPL Philippines, hindi sinukuan ni Aqua ang kanyang pangarap, bagkus ay lalo niya pang sinipagan ang pagpapalakas sa kanyang laro upang upang makamit ang inaasam na kampeonato.


Ang paglalakbay ni Aqua patungo sa kampeonato sa MPL PH S9

Aqua
Credit: RSG PH

Dating kilala bilang leaderboard star, sinimulan ni Aqua ang kanyang karera sa MPL Philippines sa Blacklist International kung saan naranasan nila ang back-to-back playoffs exit noong Season 5 at 6.

Pagdating ng Season 7, naging miyembro si Aqua ng Cignal Ultra team na nakalasap ng mapait na 0-13 record sa regular season. Sa kabila nito, siya ang nagsilbing “bright star” ng koponan at pinagpatuloy niya ang paghasa sa kanyang potensyal.

Credit: Cignal Ultra

Kinuha siya ni RSG PH head coach Brian “Coach Panda” Lim pagsapit ng franchise-based Season 8 at mula noon ay naging mahalagang parte na siya ng koponan. Natanggal man sa first round ng playoffs noong Season 8, hindi pinanghinaan sila Aqua at kanyang mga kasamahan at tinuloy ang pagpapaunlad ng kanilang chemistry.

Matapos kuhain si roamer Dylan “Light” Catipon at ipasok si gold laner Eman “EMANN” Sangco sa main five, naging maganda ang takbo ng RSG sa regular season hanggang sa masunggaban nila ang tropeo sa katatapos lamang na Season 9. Irerepresenta rin nila ang Pilipinas sa Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022 kasama ang Smart Omega.

Credit: ONE Esports

Kaya naman hindi masukat ang saya ni Aqua nang makuha niya sa wakas ang matamis na tagumpay na bunga ng kanyang sipag at dedikasyon sa kabila ng mga nakakapanlumong sitwasyon sa mga nauna niyang season sa liga.

“Para sa’kin simula nung nag-start ako sa ML pangarap ko na talaga ‘to eh. So mula noong nag-start ako sa Blacklist lahat ng experience pinagdaanan ko, lahat ng role nilaro ko. Ngayong Season 9, sobrang dami ng sumusuporta since day one, sobrang saya ko po kasi ngayon nakuha na po namin ‘yung championship. Sobrang daming experience na rin pong natutunan ko (at) ngayon parang nalabas ko na ‘yung potential (ko),” ani ng 21-year-old pro mula sa Valenzuela.

“Sobrang saya ko po kasi totoo po talaga ‘yung hard work eh. ‘Pag lalo mong sinipagan at ginalingan may patutunguhan lahat kaya sobrang saya ko po lalo na yung family ko and mga sumusuporta sa amin.”


Inilahad ni Aqua ang impact sa kanya ni Coach Panda

MLBB RSGPH CoachPanda RSGPHTeamHuddle
Credit: RSG PH

Malaki ang pasasalamat ni Aqua kay Coach Panda sa paghubog ng respetadong MLBB mentor sa kanya hindi lang sa loob ng laro kundi sa labas din.

“For me po, si Coach Panda po ‘yung sobrang tiwala sa’kin. Kahit ano po ‘yung gawin ko, tiwala siya, wala siyang negative insights sa akin. Sobrang laki ng trust niya sa akin kahit anong gawin ko sa laro, sa ginagawa ko sa bootcamp,” kwento ng beteranong manlalaro.

“Sobrang saya ko po kasi napakadami kong natutunan kay Coach Panda na mga experience, fundamentals, lahat po. Lahat po ng sinasabi niya, lahat ng tinuturo niya, ina-adopt ko po. Sobrang tiwala rin po ako sa kanya.”

“Love na love ko po si Coach Panda kasi natupad din ‘yung dream ko na makakuha ng MPL championship.”


Para sa MPL PH at MLBB news, features at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.