Hatid sa inyo kasama ang Samsung.
Mula sa 126 heroes, maraming potensyal na hero combo na puwedeng gawin ng duo players sa Mobile Legends: Bang Bang.
Para sa mga mag-duo, susi ang synergy sa pagitan ng mga hero na pipiliin nila. Mahalaga na nagtutugma ang mga skill ng inyong hero upang makapagbitaw kayo ng malaking damage sa mga kalaban.
Sa komprehensibong ONE Esports guide na ito, ibabahagi namin sa inyo ang ilan sa mga pinakamalakas na hero combo na gana para sa mga mag-duo.
3 mabisang hero combos na swak para sa MLBB duo players
Johnson-Odette

Kabilang sina Johnson at Odette sa mga pinakasikat at pinakamatagal nang hero combo na paborito ng mga manlalaro dahil sa mapaminsalang kombinasyon ng kanilang mga ultimate.
Nag-aanyong sasakyan ang Johnson gamit ang kanyang Rapid Touchdown at puwede siyang magsakay ng isang kakampi. Gamit ito, maaari niyang isabay si Odette at banggain ang mga kalaban.
Perpektong sineset-up Rapid Touchdown ang Swan Song ultimate ni Odette, na nagdudulot ng malawak at mahapding area-of-effect (AoE) magic damage per second. Mayroon ding AoE stun at slow effect ang ulti ni Johnson kaya naman talagang nasusulit ang damage ng Swan Song.
Kung hindi available si Odette, mainam na pamalit si Kadita kung ikaw ay mage user, at Claude naman kung ikaw ay marksman main.
Angela-Ling

Tanyag din sa tawag na “AngeLing”, taglay nila Angela at Ling ang nakakamanghang kombinasyon ng malakas na support at mabilis na mobility, dahilan para makagawa sila ng mga agresibong galaw na sa mapa.
Ang Heartguard ultimate ni Angela ay nagbibigay ng malaking shield habang ang Love Waves ay nakakapag-heal ng kakampi. Karagdagang movement speed naman ang dulot ng kanyang Smart Heart passive sa kung sino mang hero ang sinaniban niya gamit ang Heartguard.
Habang nakakabit si Angela, madaling napapasok ni Ling ang target at mabisang nakakasabay sa mga mahahabang clash nang hindi masyadong iniintindi ang kanyang HP. Mas epektibo niya ring nagagamit ang kanyang Tempest of Blades ultimate, at nakakatunaw ng mga kalaban gamit ang kanyang Defiant Sword at mga basic attack.
Bukod pa riyan, nakaka-slow ang Love Waves at nakaka-immobilize naman ang Puppet-on-a-String ni Angela kaya hindi mahihirapan ang isang Ling na habulin ang kanilang target.
Maganda ring itambal si Angela sa ibang jungle heroes tulad nila Roger, Alpha, at Lancelot.
Hanabi-Lolita

Pamoso sa kasalukuyang meta ang tambalang Hanabi at Lolita dala ng nakakamanghang synergy ng kanilang shield skills.
Ang Ninjutsu: Equinox ni Hanabi ay naggagawad ng shield at may passive effect din ito na nagbibigay sa kanya ng crowd control immunity kapag mayroon siyang shield mula sa kahit anong source. Samantala, ang Noumenon Energy Core passive naman ni Lolita ay nagkakaloob ng shield sa kanyang sarili at mga malapit na kakampi kada 2.5 segundo.
Dahil dito, halos unlimited na ang shield ni Hanabi kaya hindi siya basta-basta maaapektuhan nang crowd control. Importante ito sapagkat bilang isang marksman-gold laner, nagsisilbi siyang isa sa mga pangunahing damage-dealer ng koponan.
Epektibong AoE crowd control skills din ang parehong ultimate nila Hanabi at Lolita, at pang-protekta rin sa mga projectile ang Guardian’s Reflection ng tank-support kaya naman swak para sa mga duo ang dalawang hero na ito.