Hatid sa inyo kasama ang Samsung.
Patok si Xavier ngayon sa Mobile Legends: Bang Bang, salamat sa mga buff na natanggap niya sa Project NEXT 2024 update.
Sa katunayan, isa ang naturang mage hero sa may pinakamataas na pick rate sa Mythic bracket sa kasalukuyan, ayon sa MLBB stats.

Pinalakas ng bagong patch ang potensiyal niya sa early at mid-game sa pamamagitan ng pagpapataas ng damage sa kanyang 1st skill na Infinite Extension at ultimate na Dawning Light.
Sa komprehensibong ONE Esports guide na ito, ibabahagi namin sa inyo ang tatlong pinakamabisang core items para sa Defier of Light upang madomina niyo ang mid lane at makapagbitaw ng malaking magic damage sa mga team fight.
Tatlong epektibong core items para kay Xavier sa MLBB
Enchanted Talisman

Ang Enchanted Talisman ang nararapat na unang core item para kay Xavier. Nakakapagbigay ito ng magic power, karagdagang health points, at malaking cooldown reduction.
Ang mga unique passive nito na Mana Spring at Magic Mastery ay nagkakaloob ng mabisang mana regeneration at dinadagdagan ang iyong max cooldown reduction.
Sakto ang mga benepisyong ito upang makapag-spam ka ng Infinite Extension at Mystic Field (2nd skill) bilang Xavier at siguruhing lagi kang nakakapagbitaw ng kinakailangang magic damage.
Dagdag pa riyan, palagi mong matri-trigger ang Transcedence passive, na lalong pinapalakas ang iyong active abilities.
Lightning Truncheon

Pagkatapos bumili ng Enchanted Talisman, isunod ang Lightning Truncheon sa iyong listahan.
Nagbibigay ito ng karagdagang magic power, mana, at cooldown reduction, mga stats na kailangan para epektibong makapang-poke ng mga kalaban.
May unique passive din ito na Resonate, na nagpapakawala ng ekstrang magic damage sa hanggang tatlong unit kapag naka-hit ka ng kalaban gamit ang iyong skill. Naa-activate ang passive na ito kada anim na segundo.
Bukod sa karagdagang damage, napapabilis ka rin ng Resonate sa loob nang ilang segundo kapag na-trigger ito, dahilan para madali mong ma-kite ang iyong target o kaya matakasan ito.
Glowing Wand

Isa pa sa mahahalagang core items para kay Xavier ang Glowing Wand, na nakatanggap din ng malaking buff sa kasalukuyang patch.
Nagbibigay ito ng flat stats na magic power, karagdagang HP, at movement speed.
Gamit ang Defier of Light, madali mong matri-trigger ang Scorch passive nito, na nagdudulot ng burn damage katumbas ng partikular na porsyento ng kabuuang HP ng iyong target nang tatlong beses.
Isinama na rin sa Glowing Wand ang dating epekto ng Necklace of Durance na Lifebane sa bagong update. Binabawasan ng debuff na ito ang shield at HP regen ng target mo sa loob nang ilang segundo.
Kapag nakuha mo na ang tatlong core items na ito, maaari kang pumili alinman sa Holy Crystal, Divine Glaive, Blood Wings, Winter Crown, at Immortality upang kumpletuhin ang iyong inventory.
BASAHIN: Paano mahanap ang tunay na unggoy sa Sun clones sa Mobile Legends