Tinuldukan na ng Moonton katuwang ang Blacklist International, ang matagal na pagkasabik ng mga miron dahil sa wakas ay inilabas na ang M3 World Championship skin, Sabado ng gabi.

Itinampok ito sa Blacklist Protocol, ang launch event ng koponan kung saan unang pinasilip ng game developer at esports org ang fans sa bagong skin ng Estes, ang parehong hero na nagdala sa koponan sa rurok ng mundo ng Mobile Legends.

Bagamat matagal ng nakakasa ang paglabas nito, inamin ng kapitan ng koponan na si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna na hindi pa rin siya makapaniwala na nandirito na ang nasabing skin.


OhMyV33NUS masaya sa kinalabasan ng M3 World Championship skin

Credit: Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Mabusising proseso ang pinagdaanan bago mailabas ang M3 World Championship skin ng Estes. Ngunit, sentro dito ang ginawang pakikipagtulungan ng game developers sa management ng org, pati na rin kina OhMyV33NUS at Blacklist jungler na si Danerie “Wise” Del Rosario.

Ngayong inilahad na sa mundo ang swabeng itsura ng Blacklist-inspired getup ng Estes, hindi naitago ng “The Queen” ang kaniyang galak sa resulta ng kanilang kolaborasyon.

“Sobrang happy as in. Sobrang happy kasi ano… unang-una hindi ko naman pinangarap na umabot kami sa ganito and napili pa nung buong team yung signature hero ko kaya sobrang saya ko doon,” ani ni V33NUS sa panayam kasama si Mara Aquino.

Dagdag pa niya, “Nung una ko nakita ‘yon kasi sobrang natuwa ako.”

Ibinibilang din daw ito ng multi-titled support player bilang isa sa mga karangalang hindi niya malilimutan sa kaniyang makulay na karera. “Siyempre sobrang nakaka-proud na may ganito na ako, kasi imagine-nin mo, tatlo lang yung M series [skin], isa ito sa mayroon.”

Credit: Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Ganoon na lang din ang tuwa niya sa kinalabasang hitsura ng M3 World Championship skin. “Sobra. Sobrang ganda talaga niya. Kapag tinignan mo siya talagang masasabi mo talagang Blacklist brand talaga siya.”

Giit pa ni OhMyV33NUS, “For me, ito talaga yung the best skin so far. Walang ka-bias bias ‘yon ah.”

Inaasahan na lalabas na sa in-game store ngayong ikalawang linggo ng Agosto ang M3 World Championship skin.



Sundan ang pinakahuli sa MPL sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: BON CHAN sa direksyon ng Blacklist sa S10: ‘Gagapangin ulit namin simula sa ilalim’