Naglaro sa unang pagkakataon si Pinoy gold laner Mark Christian “Markyyyyy” Capacio sa MPL Indonesia Season 10 nang harapin ng kanyang bagong koponan na Bigetron Alpha ang defending champion na RRQ Hoshi sa pinakahuling serye ng Week 2.

Nakapitas ng isang panalo ang sina Markyyyyy at Bigetron Alpha ngunit sa huli ay nanaig pa rin ang karanasan at composure ng “King of kings” na nilista ng 2-1 panalo.

Sa kabila nito, disente naman ang naipakitang performance ng 23-year-old player na dating miyembro ng ONIC PH.


Markyyyyy nag-debut para sa BTR kontra RRQ Hoshi sa Week 2 ng MPL ID S10

Markyyyyy ng Bigetron Alpha
Credit: Bigetron Esports

Kumuha ng cheese pick na Bruno ang Bigetron Alpha para kay Markyyyyy sa Game 1. Liyamado siya sa Wanwan ni Schevenko “Skylar” Tendean sa early game ngunit nadehado na nang magsimulang umikot sa mapa ang Atlas ni Calvin “VYN”.

Naitala ng RRQ Hoshi ang first blood sa serye sa likod ng Lancelot ni star jungler Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar. Naglista ng 1/1/4 KDA ang Pinoy pro sa laro na tumagal ng 15 minuto.

Bagamat nalugi sa draft sa Game 2, nagawang manalo ng BTR sa 29-minutong bakbakan sa likod ng Wanwan ni Markyyyyy at Cecilion ni Marcel Juan “Morenoo” Moreno Sinulingga. Nagsanib-pwersa ang dalawa sa late game upang buhatin ang kanilang koponan patungo sa kapana-panabik na panalo.

Kumamada ang Pinoy ng 2/2/9 KDA (69% kill participation) at pinakamataas na gold per minute (GPM) na umabot sa 724.



Sa kasamaang palad, tila napagod ang Bigetron sa napakahabang sagupaan habang ipinakita naman ng RRQ Hoshi ang kanilang composure para iselyo ang dominanteng panalo sa Game 3.

Tumikada ng 21-1 kill score sina Alberttt at kanyang tropahan sa 14-minute victory. Hindi nila pinaisa ang Claude ni Markyyyy na namatay nang anim na beses sa laro.

Nanatili sa tuktok ng eight-team standings ang RRQ Hoshi hawak ang undefeated 4-0 record habang nasa No. 6 pa ang BTR na may 1-3 record.

Para sa Mobile Legends at MPL updates, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.