Opisyal nang ipinakilala si Mark Christian “Markyyyyy” Ectobañez bilang ang pinakabagong player ng Bigetron Alpha para sa ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Indonesia (MPL ID).

Matapos ang mahaba-habang hulaan patungkol sa huling miyembro na kukumpleto sa roster ng koponan, tinuldukan na sa wakas ng organisasyon ang mga agam-agam sa pamamagitan ng isang YouTube video na in-upload sa kanilang channel.



Bago ito, ipinakilala na rin ng Bigetron Alpha ang mga player na bubuo sa kanilang roster, maliban sa isang manlalaro na nakataklob pa noon sa likod ng silweta. Madali namang nahulaan ng komunidad na ang Pinoy gold laner ang huling piyesa na kukumpleto sa koponan.

Markyyyyy kinumpleto ang roster ng Bigetron Alpha para sa MPL ID S10
Credit: Bigetron Alpha

Pero hindi lang basta gimik ang dahilan ng pag-ipit sa opisyal na anunsyo. Ibinahagi kasi ng CEO ng Bigetron Esports na si Edwin “Starlest” Chia na nagkaroon ng issue sa mga work permit mga Pinoy imports.

Markyyyyy pasok na sa Bigetron Alpha

Isa si Markyyyyy sa mga manlalarong lumisan sa ONIC Philippines bago magsimula ang ika-10 season ng liga. Kasama siya nang magtapos sa ikalawang puwesto ang kampanya ng koponan noon sa MPL Philippines Season 8 at M3 World Championship.

Tanyag ang manlalaro sa mga marksman at mage hero, patunay sa kanyang husay pag dating sa gold lane. Magsisilbing bentahe ito para sa bago niyang koponan, lalo na kung nais nilang palawigin ang kanilang hero pool.

Markyyyyy kinumpleto ang roster ng Bigetron Alpha para sa MPL ID S10
Credit: Bigetron Esports

Si Markyyyyy na ang ikalawang foreigner sa roster ng Bigetron Alpha, kasunod ni Muhammad Arif “Rippo” Bin Abdul Halim na mula sa Malaysia. Bukod sa mga ito, inaasahan din na kumuha ng bagong coach at analyst ang koponan mula sa Pilipinas.

Sinundan din niya ang yapak ng dati niyang kakampi na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol na maglalaro naman bilang jungler ng ONIC Esports sa parehong liga.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kumpletong listahan ng Pinoy exports sa MPL