Narito na sa Pinas ang ang American Mobile Legends: Bang Bang star na si Michael “MobaZane” Cosgun. At bilang isa sa mga unang pagsubok sa kanyang pagtapak sa ating bansa, kinasahan niya ang Balut Challenge.

Sa kanyang unang vlog dito sa Pilipinas, mapapanood si MobaZane sa tabing kalsada, kasama ang ilang mga kaibigan, na sumusubok kumain ng isa sa mga pinakasikat at pinaka-exotic na Pinoy street food.

Sa una ay makikita pa ang pagiging excited ni MobaZane habang binabalatan ang itlog ng itik. Nagawa pa niyang higupin ang sabaw sa kabila ng pag-aalinlangan.

Lalong lumala ang pag- aalinlangan niya nang malaman niyang kailangan niyang ubusin ito.

“I thought you just drank it,” sabi ng American MLBB star.

Mobazane Balut Challenge
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Kitang-kita ang pagdadalawang isip sa mukha ni MobaZane habang inihahanda ang sarili sa pagkain ng sisiw. Maririnig din sa video ang kasama niyang bumubuyo at nagsabing “When you eat that, you’re an approved Filipino.”

Sa kanyang unang kagat, ramdam ang panhihina ng bagong saltang MLBB star nang mapayuko ito matapos matikman ang sikat na Pinoy street food sabay sabing “I’m not doing this.”

Nag-alok ang kanyang kasama na bilhan pa siya ng balut para kainin niya sa kanyang stream ngunit tumanggi na si MobaZane.

Hindi man nakapasa sa Balut Challenge, sigurado marami pa tayong aabangan na pangyayari sa buhay ni MobaZane dito sa Pilipinas sa loob at labas ng Land of Dawn.



Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.