Gugulong na offline ang Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH Season 9) simula sa Week 3 ng regular season hanggang sa katapusan ng playoffs.

Ito ay ayon sa Moonton Games PR Manager for the Philippines na si Keith Medrano na ibinahagi sa media ang balita karugtong ng pagpayag ng Games and Amusement Board (GAB) na idaos onsite ang popular na liga.


Pagsunod sa vaccination clause ng teams binigyang-daan ang offline operation ng MPL PH Season 9

Credit: MPL Philippines/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Dati ng ipinahayag ng Moonton ang kanilang plano na pagulungin ang tournament sa ganitong paraan. Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, binanggit ng Esports Operation Executive ng Moonton na si Joy “Hymnrael” Calulo na matagal na nilang pinagpupursigihan ito.

“We’ve always been planning to do it offline and then also preparing it for the worst, preparing it for online. One of the requirements that we had is that all players should be vaccinated,”pagbabahagi ng opisyal.

Nauna na ring ipinahiwatig ni Hymnrael ang malaking posibilidad na magpatuloy nga ang liga onsite. “With the vaccination clause, mas favored tayo,” aniya.


Wala munang live audience sa MPL PH Season 9

Credit: MPL Philippines/ Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Bagamat bubuksan muli ang MPL PH Season 9 offline, nilinaw ni Medrano na limitado lamang ang mga taong maaaring pumunta sa venue ng liga.

“We have decided to limit venue access to the players, casters, and staff for safety purposes,” banggit niya.

Hindi man makakaharap ng fans ang kanilang paboritong teams at players, sinigurado naman ng Moonton na hindi mahuhuli sa aksyon ang mga miron.

“There will be no audience during the games, but our fans can stream the matches at the comfort of their homes through MPL-PH’s official social media platforms – Facebook, TikTok, and YouTube.”

Magsisimula ng totoong tapatan sa ika-3 ng Marso tampok ang bakbakan sa pagitan ng TNC at RSG Philippines sa unang serye, at star matchup ng ONIC Philippines at Smart Omega sa ikalawang serye.


Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsunod sa ONE Esports Philippines.

BASAHIN: MPL PH S9 Rules: Ilan sa mga pagbabagong gugulong sa papasok na season