Dumako na sa kongklusyon ang ginanap na The Mobile Legends: Bang Bang North American Qualifier noong Setyembre. Nanaig sa unang MLBB event sa rehiyon ang powerhouse team na BloodThirstyKings na sila ding sasabak sa paparating na M3 World Championship ngayong Disyembre.

Kaugnay nito, malaking katanungan para sa mga fans kung itatayo na ba ang opisyal na liga sa nasabing lugar. Maasahan ba ang pagbubukas ng MPL sa North America sa susunod na season?


Lumalaki ang pangalan ng Mobile Legends sa kanlurang bahagi ng mundo

Credit: Moonton and StarLadder

Sa isang panayam kasama ang ONE Esports, ibinahagi ng Moonton North America Esports manager na si Nicholas Chang kung papaano patuloy na nagiging popular ang MLBB sa mobile esports market.

“We’ve seen growth over the last year and there’s great interest in Mobile Legends: Bang Bang here,” sabi ng Moonton executive. “We look forward to bringing more local and global events together.”

Ani din ni Chang na mas maraming tao sa NA ang yumayakap sa mobile games lalo na’t maganda ang feedback na natanggap ng North American Qualifier

“The presence of SirActionSlacks and Capitalist as casters in the North American qualifiers is one proof that mobile esports can be easily accepted by PC players,” banggit pa ni Chang.


MPL sa North America? Nagpatikim ang Moonton tungkol sa posibleng liga

Credit: Moonton

Dahil sa mabilis na paglaki ng MLBB sa NA merkado, malaki ang posibilidad na ilunsad ng Moonton ang sarili nitong MPL.

“MPL North America? Most likely. Currently we are still looking for options and conducting proactive discussions with potential partners,” banggit ni Chang.

Talaga namang kapanapanabik ang magiging kaganapan kung tatakbo ang MPL sa North America. Pero sa pananaw ng madami, oras na lamang ang bibilangin para maisakatuparan ito.

Pagsasalin ito sa sulat ni Jules Elona ng ONE Esports PH.