Maghaharap ang dalawa sa pinakamagagaling na Mobile Legends: Bang Bang teams sa buong mundo sa final stage ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023) sa Phom Pehn, Cambodia.

Credit: Moonton

Tatangkain ng dekoradong Blacklist International na muling patunayan kung bakit Pilipinas ang pinakamalakas na rehiyon sa buong mundo, habang ang ONIC Esports naman ay susubukang ibalik ang Indonesia sa tuktok ng international pro play sa gaganaping grand finals ngayong June 18.


Tapatan ng Pinoy superstars tampok sa MSC 2023 Grand Finals

Credit: Moonton

Bukod dito, sentro din ng inaantabayanang match ang tapatan ng mga pinaka-tinitingala at pinaka-kilalang pros sa larangan ng Mobile Legends esports.

Babandera para sa hanay ng MPL PH representatives ang V33Wise Duo nina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario na naghahangad na maiuwi ang mailap na tropeyo ng MSC para makumpleto ang kanilang istante pagbalik ng Pilipinas.

Credit: ONE Esports

Kakaharapin nila ang nag-iinit na Yellow Hedgehog team na sasandal sa husay ng kanilang superstar jungler at Filipino import na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol na sariwa pa sa pagpapatumba sa M4 World Champions ECHO sa tatlong laro.

Credit: Moonton

Magsisilbi rin na reunion ang grand finals ng mga manlalarong naglaro sa final stage ng M3 World Championship kung saan nanaig ang Blacklist ng V33Wise kontra ONIC Philippines ni Kairi at ng kaniyang coach na si Denver “Coach Yeb” Miranda na kasalukuyang utak ng Indonesian squad.

Magsisimula ang labanan ng 7 P.M. GMT+8 at mapapanood sa social media channels ng MLBB esports at MPL Philippines.

Manatiling nakatutok sa pinakahuli sa MLBB esports sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: MSC 2023: Schedule, resulta, format, saan mapapanood