Patuloy ang aksyon sa Group Stage sa Day 2 ng MLBB Women’s Invitational (MWI 2022) ng ONE Esports at Moonton.

Sa Group A, natanggap ng Impunity Startlets ang kanilang ikatlong talo sa Group Stage sa kamay ng IDNS Princess. Sa kabila ng mga trades na nakuha ng Impunity sa mga team fights na kanilang na-initiate, mas mabilis nakapag-convert ang IDNS kung kaya’t mas mabilis silang nakakuha ng objectives. Isang malaking pagkakamali rin na nagawa ng Impunity ay ang mag-engage sa Lord skirmish nang hindi kasama ang Ling ni Kasima “LEMA” Mustar, na sumusubok mag-cut sa bottom lane sa mga sandaling iyon, na naging dahilan ng kakulangan sa depensa sa kanilang base at kanilang pagkatalo. Tinanghal na MVP si Patcharee “Ramella” Korpakdee gamit ang Lancelot na may 10/1/4 KDA.

MLBB MWI 2022 Ramella MVP
Credit: MWI 2022

Tuloy-tuloy at walang makapigil sa pagragasa ng GPX Basreng nang talunin nila ang Smart Omega Empress (18-3) at IDNS Princess (19-4). Matatandaan na wala ring talo ang Indonesian team na ito nung Day 1 ng MWI 2022. Dahil dito ay sigurado na ang kanilang slot sa MWI 2022 Playoffs bilang numbe one team ng Group A.

MLBB MWI 2022 GPX vs IDNS
Credit: MWI 2022

Matapos matalo sa GPX Basreng, sinigurado ng Smart Omega Empress na makukuha nila ang panalo sa match laban sa Karra nang tapusin nila ang laban sa score na 18-5. Pinaulanan ng Empress ang Karra ng damage na nagmula sa Cecilion ni Rica Fatima “Amore” Amores at Brody ni Sheen “Shinoa” Perez kung kaya’t napigilan nila ang pagpasok ng Ling ni Nurfarrahin Binti Che “CHIISECAKE” Alias. Naging MVP naman ang jungler na si Kaye Maerylle “Keishi” Alpuerto sa kanyang Hayabusa na may 6/0/9 KDA.

Matindi namang pag-iinit ang nangyari sa Karra dahil bumangon sila mula sa pagkakatalo upang talunin ang tatlong teams sa isang araw. Tinalo nila ang kanialng huling kalaban sa Group Stage na Impunity Starlets. Dahilan upang sumampa ang team sa isang triple tie kasama ang IDNS Princess at Omega Empress, na parehas tinalo ng Karra sa tiebreaker matches. Aabante ang Karra sa playoffs na magmumula sa ikalawang rank ng Group A.

Namayagpag din ang mga halimaw ng Group B na Bigetron Era nang kunin nila ang kanilang ikatlong panalo mula sa On Air Pipol. Isang dominanteng 24-5 ang ipinatikim ng Indonesian WSL champions sa kanilang kalaban na nagawa nila sa loob lamang ng 10 minuto at 18 segundo. Tulad ng kapwa Indonesian team sa Group A, magtatapos sa unang pwesto ng Group B ang Bigetron Era.

MLBB MWI 2022 BTR vs OAE
Credit: MWI 2022

Ipinanalo naman ng BREN Victress ang kanilang ikatlong match sa Group Stage nang talunin nila ang Singaporean team na Lugiami. Tinapos ng Victress ang match sa score na 17-3 at tinanghal na MVP ang Jungler na si Ayezha Nicole “ASHEE” Alampayan gamit ang kanyang Ling na may 7/0/3 KDA. Magtatapos ang Group Stage para sa Victress sa ikalawang pwesto may standing na 2-1.

MLBB MWI 2022 BREN vs LGM
Credit: MWI 2022

Nakakuha naman ng unang panalo ang On Air Pipol mula sa Lugiami sa huling match ng Group B na natapos sa loob lamang ng halos 11 minuto. Umarangkada ang On Air Pipol sa early game at hindi binigyan ng pagkakataon na makaporma ang kalabang Singaporean team. Natapos ang match sa score na 12-1.

Magsisimula ang MWI 2022 Playoffs bukas sa ganap na 12 p.m. GMT+8.

MLBB MWI 2022 Group Standings
Credit: MWI 2022

Mapapanood ng mga fans ang mga laban sa official Facebook page at YouTube channel ng ONE Esports.