Pinatunayan ng Nexplay EVOS na dumating na ang kanilang “New Era” matapos pabagsakin ang matikas na ONIC Philippines, 2-0 sa pagpapatuloy ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9.

Sumandal ang koponan ni John “Zico_” Dizon sa NXPE rookies na sina Michael “MP the King” Endino at Kenneth “Cadenza” Castro na nagselyo ng magkasunod na MVP gantimpala sa nasabing sweep sa Week 1 Day 3 matchup.


NXPE rookies nagtala ng tig-isang MVP awards sa ONIC PH sweep

Walang bahid ng rookie jitters si MP the King na unang isinalang ni Coach Zico sa inantabayanang matchup. Hindi naman binigo ng AP Esports standout ang tiwala ng kaniyang coach dahil magilas na maniobra sa Karina ang ipinamalas ng bagong player sa Game 1.

Sa tulong ng crowd control-heavy na komposisyon ng Nexplay ay tinupok ni MP the King ang backlines ng ONIC para itala ang halos perpektong 6/1/4 KDA, kasabay ng maagang kalamangan sa serye.

Credit: MPL PH / Screenshot ni Calvin Trilles (ONE Esports PH)

Gayundin ang ipinakitang gilas ni Cadenza sa game 2. Gamit ang kaniyang Hilda, epektibong sinira ng roamer ang rotation ng Yi Sun Shin ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol at Rafaela ni Allen “Baloyskie” Baloy na namulubi sa early game.

Bukod sa pang-iistorbo sa farm ng superstar duo, malaking bagay din ang vision na iniambag ng kaniyang hero na naglabas-pasok sa mga bush at lumalim sa mapa ng kalaban. Katuwang ang Mathilda ni Jeniel “YellyHaze” Bata-anon, pinurnada ng support duo ang tangka ng ONIC PH na kumuha ng kontrol sa mapa.

Credit: MPL PH/ Screenshot ni Calvin Trilles (ONE Esports PH)

Nagtala lamang ng tahimik na 0/1/2 KDA sa kabuuan ng laro ang bagong roamer ngunit hindi kaila na siya ang susi para mapako ng Nexplay ang 2-0 sweep. Dahil dito, dalawang NXPE rookies ang nakaselyo ng MVP gantimpala.

Credit: MPL PH / Screenshot ni Calvin Trilles (ONE Esports PH)

Sa post-game interview, sinagot ng NXPE rookies ang ilang mga katanungan tungkol sa kanilang preparasyon kontra ONIC PH gayundin ang nararamdaman nila matapos ang nasabing matchup.

Ani ni MP the King, “Yung ginawa namin po, mas pinag-aralan namin po yung makakalaban namin kinabukasan (ONIC PH) tapos lalo kaming nagbatak para mapakitaan namin ng magandang laban yung fans namin.”

Hindi naman naitago ni Cadenza ang kaniyang galak matapos maselyo ang una niyang panalo sa MPL. “Sobrang proud (ako) kasi nagagawa ko yung mga nagagawa ko sa amateurs dito hanggang sa MPL.”

Sundan ang karera ng NXPE rookies sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsunod sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Blacklist coaching staff may apela sa fans matapos ang 0-2 start: ‘Bigyan niyo pa kami ng 1 more week’