Hindi na bago kina Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario ang maging sentro ng atensyon sa Mobile Legends eksena lalo na dito sa Pilipinas.

Ginabayan nina OhMyV33NUS at Wise ang kanilang Blacklist International para makuha ang MPL Philippines titles sa Season 7 at Season 8, bago iuwi ang korona ng prestihiyosong M3 World Championship noong nakaraang taon.

Sa likod ng tagumpay at patuloy na pag-usbong ng kanilang mga karera, nakatatanggap pa rin daw ng hate comments sina OhMyV33NUS at Wise araw-araw, rason para maapektuhan ang kanilang mental health.


OhMyV33NUS at Wise marami na raw beses umiyak dahil sa hate comments

Credit: OhMyV33NUS

Naimbitahan sina OhMyV33NUS at Wise bilang guest speakers sa unang araw ng CONQuest Festival 2022 na ginanap noong July 23 hanggang 24 sa SMX Arena sa Pasay City.

Bukod sa pagbabahagi ng kanilang mga karanasan bilang esports athletes sa libu-libong miron, lumahok din ang pares sa 1v1 show match at sumagot ng mga katanungan mula sa fans.

Ng tanungin ng isang fan si OhMyV33NUS kung gaano kahalaga ang mental health para sa esports players, inilahad ng 28-anyos ang kaniyang personal na karanasan sa pagharap sa online haters at kung paano ito nakaapekto sa kaniyang mentalidad.

Aniya, “Totoo, sobrang ano, sobrang toxic talaga ng esports ngayon lalo na sa ML sa Philippines. ‘Di talaga maiiwasan na kahit anong peaceful mo before, kung gaano kabuti ka before, kahit gaano katahimik ka, talagang may aatake at may aatake sayo,”

Binanggit din ni OhMyV33NUS at Wise ang pag-iwas nila sa paggamit ng social media sa game days. “Siyempre tao lang din kami eh. Nung una talagang ano…kapag makakapagbasa ka ng ganoon, sobrang masasaktan ka, talagang makakaapekto talaga sa games. Siyempre maraming times na umiiyak kami before,” dagdag ng The Queen.

At hindi lamang toxic fans ang sumusubok sa kanila. Maaalala na noong nakaraang taon, nagbitaw ng homophobic remarks ang Smart Omega pro na si Duane “Kelra” Pillas na nagsindi ng usapin tungkol sa representasyon ng LGBTQ community at sa kalagayan nito sa liga.

Dahil dito, napatawan ng dalawang linggo na suspensyon at multa ang batang pro.

Bagamat masalimuot ang naganap ay positibo naman daw ang mga pagbabagong naganap.

“Mas nangingibabaw na yung mga sumosoporta samen kaysa sa mga bashers. Kumbaga sa sobrang lakas ng suporta nila samen, mas natatabunan na nila yung mga hate comments” banggit ni V33nus.

Credit: Blacklist International

Matapos magpahinga mula sa competitive play noong MPL PH Season 9, nagbalik sina OhMyV33NUS at Wise sa 31st SEA Games kung saan sinagasaan nila ang Indonesia, 3-1, para iuwi ang gintong medalya para sa Pilipinas.

Susubukan ng V33Wise duo na dalhin ang momentum na ito pagdako ng MPL PH Season 10 kung saan bubuuin muli nila ang M3 Championship team katuwang sina Edward Jay “Edward.” Dapadap, Kiel “OHEB” Soriano, at Salic “HADJI” Imam.

Gugulong ang ika-sampung iterasyon ng MPL PH sa August 12.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuling balita sa Mobile Legends.

BASAHIN: Magkatuwang daw ang Blacklist International at Moonton para sa design ng M3 skin ni Estes, ayon kay Tryke