Hiningan daw ng Moonton ang Blacklist International ng mga input para sa paparating na M3 skin ni Estes.

Usap-usapan ngayon ang inaabangang M3 World Championship skin matapos i-leak ni Hero-Pofa ang splash art ng tinaguriang Blacklist Sentinel sa kanyang YouTube channel.

Nagbigay din ng kanilang palagay sina Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario sa napasilip na M3 skin ni Estes. Ani OhMyV33nus, hindi pa niya raw “bet” ang naturang disenyo, at mas mainam raw kung diamond ang gagamiting kulay dito imbes na ginto.

Tryke sa M3 skin ni Estes: "Sobrang laki ng improvement from the initial design"
Credit: Hero-Pofa

Sinubukan naman ni Wise na i-relate ang mga gintong detalye sa kanilang mga napagtagumpayan, pero iginiit ni OhMyV33nus, na mas maganda kung susundin ang black and white motif ng kanilang koponan, lalo na sa skill effects nito.

Kaya sa pamamagitan ng isang Facebook post, kinumpirma ni Tryke Guiterrez na magkatuwang ngayon ang Blacklist International at Moonton para sa disenyo ng M3 skin ni Estes.

Tryke: ‘Kasama ang Blacklist International sa proseso ng paggawa ng M3 skin ni Estes’

Tryke sa M3 skin ni Estes: "Sobrang laki ng improvement from the initial design"
Credit: Moonton

Ibinahagi ng ng co-owner ng Tier One Entertainment na nakipag-meeting daw ang hanay ng game developers kasama ang marketing team ng Blacklist International, ang V33Wise duo, at silang dalawa ni Alodia Gosiengfiao para hingan sila ng input tungkol sa disenyo.

“Can’t share the design yet kasi [naka-NDA] (non-disclosure agreement) kami, pero sobrang laki ng improvement from the initial design na nakita namin,” paliwanag ni Tryke.

Hindi na rin daw siya makapaghintay sa final output, at ibinahaging masaya siya na isinama sila ng Moonton sa proseso ng paggawa nito.

Samantala, wala pang anunsyo ang Moonton o ang Blacklist International kung kailan nga ba ilalabas ang M3 skin ni Estes.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Kumpletong listahan ng Pinoy exports sa MPL