Magpapatuloy ang Blacklist International ni Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna sa maalwang Upper Bracket sa MPL Philippines Season 11 Playoffs matapos pumihit ng pambihirang upset kontra sa top team Bren Esports.

Nanatiling walang dungis ang Estes ni Momshoes na sinandalan ng defending champions para makuha ang dalawang magkasunod na mapa at ang momentum ng serye, bago muling isalang ito sa game four para tuluyang masipa ang mga pambato ng The Hive sa lower bracket.

Sa proseso, humakbang ang hanay ng The Queen palapit sa pinag-aagawang tiket papunta sa Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023) na nakakasa na ngayong Hunyo.

Nang tanungin ang kapitan ng Blacklist kung ano ang pakiramdam niya ukol sa malaking posibilidad na muling makalahok sa bukod-tanging liga na hindi pa nila napagtagumpayan, tinapat ni OhMyV33NUS si Mara Aquino ang madla na malayo ito sa kanilang ipinakong layunin bago magsimula ang regular season.


Mas mahalaga ang maging consistent kaysa sa makalawit ang tropeyo sa MSC 2023 ayon kay OhMyV33NUS

Credit: MPL Philippines

Paglilinaw ng multi-titled pro, may mas mahalaga daw silang dapat mapatunayan kaysa sa maging kampeon sa ligang matagal na dinomina ng mga Pinoy ngunit nanatling mailap sa kaniyang hanay.

Ani ni OhMyV33NUS, “Kasi ako personally hindi naman namen goal makumpleto yung dapat makumpleto [kampeonato sa MSC] para lang may mapatunayan.”

Matatandaan na bagamat malaking paborito noong MSC 2021, kinapos ang Blacklist International kontra sa dating Execration team ni Duane “Kelra” Pillas na nilason ang mga kampeon sa 4-1 upset.

Ngayong nalalapit sa tiyansa na mahawakan ang tropeyo ng international patimpalak, inamin ng reyna na mas makabuluhan para sa kanila na mapatunayang kaya pa rin nilang makipagsabayan sa pinakamalalakas sa liga sa gitna ng patuloy na panunuligsa ng iba.

Punto niya, “Katulad ng sinabe ko nung regular season mas importante na mapakita namen na consistent kame na nag-cocompete.”

Credit: MPL Philippines

Bagamat napilayan dahil sa pagliban ng ilang mahahalagang piyesa bago magsimula ang MPL PH Season 11, patunay sa kakayahan ng hanay ni OhMyV33NUS ang naging performance nila sa regular season kung saan nagtapos sila sa top three.

Karagdagang ebidensya ang nagawa ng koponan sa halimaw na Bren Esports sa Upper Bracket Semifinals, para maselyo ang unang puwesto sa top three sa postseason.

Sundan ang pinakahuli sa MPL Philippines sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: OhMyV33NUS dismayado sa Diggie ban sa MPL PH S11 Playoffs: ‘Stupid yung bug para i-autoban’