Narating ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023) ang hangganan nito sa paghaharap ng ONIC Esports at Blacklist International sa grand finals upang paglabanan kung sino nga ba ang pinakamahusay sa Southeast Asia.

Sa huling dalawang tournaments ng MSC, nagawa ng Pilipinas na makuha ang kampeonato sa pamamagitan ng tagumpay ng Execration at RSG PH.

Ngayon ay nagkaroon ng pagkakataon ang ONIC Esports na dalhin ang  MSC trophy pabalik sa kanilang bansa. Kung sakaling magtagumpay sila, ito ay magiging ikalawang beses ng Indonesia bilang kampeon ng Southeast Asia.

ONIC Esports binitbit ang MSC 2023 trophy pabalik sa Indonesia

ONIC Esports MSC 2023 champions
Credit: Moonton

Ang metikulosong draft ng koponan ni Denver “Coach Yeb” Miranda ang tunay na nagbigay ng problema sa Blacklist sa unang laro. Maging si Muhammad Satrya “Butsss” Sanibari sa kanyang Uranus o si Kairi “Kairi” Rayosdelsol na gumamit ng Ling ay parehong malayang nakakalibot sa mapa nang walang malaking banta ng anumang crowd control. Ito ay nagbigay-daan sa koponan ng Indonesia na madaliang makakuha ng unang puntos.

Sa sumunod na game ay ipinakita naman ni Calvin “CW” Winata ang kanyang husay sa paggamit ng Moskov, na naghatid sa kanila ng isang comeback win at pangalawang puntos sa series.

Kahit na dehado nang 2-0, hindi nawalan ng direksyon ang Blacklist. Ipinakita nila ang kanilang high level na macro tactics sa ikatlong game. Ang kombinasyon nina Fredrinn at Novaria ay nagpakita ng mataas na aggression na sinusuportahan ng mahusay na map control. Ito ang nagbigay-daan sa Blacklist upang paliitin ang agwat ng mga puntos.

Fanny
Credit: Moonton

Inilabas ni Kairi ang kanyang pinagkakatiwalaang Fanny sa ika-apat na laro upang dalhin ang kanyang koponan pabalik sa landas ng tagumpay. At tulad ng inaasahan, mabilis na kinatay ng Filipino jungler ang kanyang mga kalaban upang kunin ang ikatlong puntos para sa ONIC Esports.

Ang mga kampeon ng M3 World Championship ay hindi nawalan ng direksyon kahit pa ang kanilang mga kalaban ay malapit nang siguruhin ang tagumpay. Isang draft na minsan nang napatunayang gumagana ang muli nilang ipinakita, na naging daan upang paliitin ng Blacklist ang agwat ng mga puntos patungo sa score na 3-2.



Kung nagawa ng Blacklist na ulitin ang diskarteng nagdulot sa kanila ng tagumpay, ngayon naman ay pagkakataon na ng ONIC na umulit ng taktika, ang muling paglabas ng Fanny sa kanilang draft.

Hindi sinayang ni Kairi ang tiwala ni Coach Yeb at ng kanyang mga kakampi, delubyo ang naging dulot ng star jungler sa koponan ng Blacklist International.

Sa resultang ito, ang tropeyo ng MSC 2023 ay napabalik sa Indonesia matapos ang dalawang taon ng paghahari ng Pilipinas. Ang dahil rin dito, ang ONIC ang natatanging koponan na dalawang beses nagkampeon sa MSC.

Para sa iba pang balita at guides tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.