ONIC Esports ang hari ng Mobile Legends sa Indonesia, at ngayon ay masasabi na ring mga hari ng Southeast Asia matapos magkasunod na iselyo ang MPL ID Season 8 at MPLI 2021 kampyonato. Gayunpaman, hindi naging madali ang biyahe ng ONIC papunta sa mga tagumpay na ito.

Kapos kung tatawagin lamang na “malubak” ang naging daan nila papunta sa tinatamasang tagumpay ngayon dahil bago makarating sa rurok ng eksena, matarik na kompetisyon at puno ng kurbada ang tinahak ng koponan.


Credit: MPL Indonesia

Bago magsimula ang MPLI 2020, kumalas ang kanilang starting player na si Antimage mula sa team. Nagpatuloy ang kalbaryo ng ONIC sa MPL ID Season 7 kung saan kinapos sila sa playoffs, na sinundan naman ng pagkalas ni Rasy mula sa grupo.

Pagtungtong naman ng Season 8 playoffs, maiging sinubukan ng mga panginoon ng MLBB ang lakas ng ONIC.

Matapos malaglag sa lower bracket kontra sa RRQ Hoshi sa upper bracket final, ipinakita ng ONIC ang tibay ng kanilang mentalidad sa huling araw ng MPL ID Season 8 playoffs kung saan naglaro sila ng 12 games sa dalawang matches na kinalahukan.

Madikit ang kanilang bakbakan kontra EVOS Legends sa lower bracket finals, 3-2 habang inabot naman ng pitong laro ang Grand finals tapatan nila kontra RRQ kung saan nanaig sila sa 4-3 score. 

Dito na nagsimula ang mistulang pagbabago ng tadhana para sa mga hari ng MPL ID.


Credit: ONE Esports

Kasunod ng tagumpay sa Season 8, naging swabe ang pagsakop ng ONIC Esports sa MPLI 2021 kung saan ipinatumba nila ang Blacklist International sa 3-1, na nagpakita lamang na may bunga ang malubak na daan na tinahak nila bago ito.

Ayon sa ONIC Esports coach na si Mars, susi daw sa tagumpay ng kaniyang team ang pagbabago ng rehimen ng mga player habang tumatakbo ang MPL ID Season 8. Aniya, malaki ang inambag ng kanilang desisyon na bawasan ang training time ng kaniyang mga manlalaro.

Katumabas nito, inilaan naman nila ang oras para dagdagan ang  pagpapalakas sa aspetong mental ng mga players niya na aniya ay rason kung bakit naging matagumpay ang ONIC Esports sa MPLI 2021 at sa MPL ID Season 8.

“From last season’s MPL (Season 7), we practiced quite hard with scrims every day, reducing holidays. Even though we were ranked first in the regular season, in the playoffs it was like we couldn’t feel the mentality. Losing in the early game immediately hit (damaged) and maybe it directly affected the mental aspect as well,” ani ni Mars sa Planet Esports RevivaLTV.

“From there, we learned for this season (Season 8) that maybe we don’t have to be too hard in training and preparation and think more towards mental training so that (players) don’t burn out and thank God now we got the results,” dagdag pa niya.


Walang masyadong preparasyong ginawa ang ONIC Esports sa MPLI 2021

Credit: Redzi Arya/ONE Esports

Maikling sandali lamang ang naging pagitan ng MPL ID Season 8 at ng MPLI kaya naman hindi raw naging malawak ang preparasyon ng team pagsalang sa international na patimpalak.

Ani ni Mars, ang mga preparasyon na ginawa ng ONIC Esports sa MPLI 2021 ay pareho lang din ng ginawa nila para sa MPL ID Season 8. Kaunting paalala lamang daw ang ibinigay niya bago tuluyang sumabak ang team sa mainit na kumpetisyon.

“Our preparation for MPLI is actually not much, just chatting and relaxing, but that doesn’t mean we don’t try hard,” banggit ni Mars.

Paglilinaw pa niya, “We prepare the team more in terms of mentality, while in terms of gameplay, yes, we only use what we already have to use (at MPLI 2021).”

Matagumpay man ang ONIC Esports sa MPLI 2021, ngayon daw ay nakasentro sila sa kanilang kampanya papunta sa M3 World Championship na bubuksan ngayong Disyembre.

Nilinaw ni Mars na ngayon daw nila ibubuhos ang lahat ng preparasyon para sa tangka nilang iuwi ang pinakamataas na karangalan sa MLBB eksena.