Naging biktima ng mass reporting ang Instagram account ng ONIC PH matapos nilang talunin ang RRQ Hoshi 3-0 sa Upper Bracket Semifinals ng M3 World Championship sa Singapore.

Nanalo man ang ONIC PH laban sa isa sa mga pinakamalalakas na teams ng Indonesia sa score na 3-0, hindi naman nakaligtas ang kanilang Instagram account sa galit ng mga fans ng natalong team.

Kinumpirma ng ONIC PH sa kanilang Facebook page ang balitang suspendido ang kanilang IG account dahil sa mass reporting at ipinaalam nilang nakikipag-ugnayan na sila sa Instagram upang mabawi ang kanilang social media account.

MLBB ONIC PH Announcement
Credit: ONIC PH

Sa kabila ng natanggap na atake, nanatiling mahinahon ang ONIC at nanawagan sa kanilang mga fans na manatiling patas at marespeto sa sinuman sa community kasabay ng paghingi ng suporta sa kanilang mga natitirang laban sa M3 World Championship. Sa comments section ng kanilang post, pinaalalahanan nila ang mga fans na “walang gantihan at good vibes lang”.

MLBB ONIC PH Comment
Credit: ONIC PH

Ang kanilang Indonesian counterpart naman na ONIC ID ay pahayag ng suporta para sa Pinoy team.

Matatandaan na naging biktima rin ng ganitong klaseng atake ang Instagram account ng Blacklist International nang talunin nila ang RRQ Hoshi sa Mobile Legends Professional League Invitational 2021 ilang buwan na ang nakalipas.

Para sa iba pang balitang esports, i-like at i-follow ang aming official Facebook page.