Pinatunayan muli ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol ang tunay niyang bagsik sa jungle matapos tulungan ang kaniyang ONIC Philippines na sipain pababa ng lower bracket ang paboritong RRQ Hoshi, 3-0 sa M3 upper bracket semifinals.

Perpektong team fight mechanics at disiplina ang ipinamalas ng mga Pinoy sa pagwawalis sa Kings of Kings, lalo na sa mainit na Game 3 kung saan bumida ang ONIC PH jungler.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Bagamat nakasalang para sa RRQ ang Aldous ni Xinn at Lancelot ni Alberttt ay hindi napigilan ng mga Indonesians ang matalinong posisyunan ng Natan ni Kairi at Natalia ni Allen “Baloyskie” Baloy sa larong umabot pa ng 28 minuto.

Swabeng binuksan ni Baloyskie ang engkwentro sa kanilang Purple Buff area kung saan napitas si Xinn at Clayyy na primerang damage dealers ng RRQ, na nagbigay din ng daan para umabante ang ONIC sa likod ni Kairi at tuluyan ng isarado ang serye.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports

Kabaliktaran ito ng naunang dalawang laro sa M3 upper bracket bakbakan kung saan dominanteng Mobile Legends ang inilabas ng MPL Philippines Season 8 Runner ups kontra sa huling ID team sa pangunguna pa din ng “The Present”.

Maagang arangkada mula kay Kairi ang bumulaga sa RRQ kung saan nagpabilib ang kaniyang Lancelot na nagtala ng 8/0/8 KDA, habang sa game 2 naman, Ling niya ang patuloy na nanggambala sa kalaban para ilista ang ikalawa niyang MVP gantimpala sa 3/2/6 KDA.

Sa panalong ito sa M3 upper bracket, aabante ang ONIC PH sa upper bracket finals kung saan haharapin nila ang mananalo sa bakbakan ng EVOS SG at BloodThirstyKings.


Sundan ang pagpapatuloy ng ONIC Philippines sa M3 upper bracket sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Blacklist International dinurog ang Keyd Stars, umabante sa lower bracket ng M3