Pinagpatuloy ng Blacklist International ang kanilang mainit na momentum sa lower bracket ng M3 World Championship matapos nilang madaling walisin ang Keyd Stars ng Brazil.

Matapos pauwiin ang ONIC Esports ng Indonesia, naglista ng comeback win sa opening game ang two-time MPL Philippines champions bago durugin sa huling dalawang laro ang natitirang pambato ng MPL Brazil sa pinaka-prestihiyosong Mobile Legends: Bang Bang tournament.


Blacklist International dinurog ang Keyd Stars sa M3 lower bracket round 3

Blacklist International dinurog ang Keyd Stars
Credit: Moonton

Nadehado ang Blacklist International sa Game 1 nang makuha ng Keyd Stars ang unang Lord at inubos ang lahat ng outer turrets ng PH reps.

Pero bumaliktad ang laban sa pabor ng Blacklist sa bandang 16-minute mark kung saan malupit na na-zone out ng Real World Manipulation ng Yve ni Salic “Hadji” Imam kasama ang napakakunat na Uranus ni Edward “EDWARD” Dapadap ang mga miyembro ng Keyd para masiguro ang Luminous Lord take.

Rumekta ang BLCK sa base ng Keyd at pinako ni Danerie James “Wise” Del Rosario sa kanyang signature Yi Sun-Shin ang 16-9 victory sa pamamagitan ng isang maniac.

Tinanghal na MVP si Hadji matapos magtala ng perpektong 5-0-8 KDA at mahigit 81K damage habang bumida rin si EDWARD na tumangke ng halos 197K damage mula sa kalaban.

Kaiba sa unang laban, halos hindi pinagpawisan ang Blacklist International sa Game 2 kung saan dinomina nila ang Keyd Stars, 11-0, sa loob lamang ng 12 minuto.

Pinagana ng Rafaela ni captain-support Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna ang jungle Bane strat sa kamay ni Wise kaya naman mabilis niyang nalimas ang mga objective, tore maging ang mga hero ng Keyd.

Hindi rin nabasagan ni isang tore ang mga Pinoy, patunay ng kanilang dominasyon kontra sa mga Brazilian sa larong ito.

Hindi na nakabangon pa ang Keyd mula sa demoralizing defeat na natamo nila sa nakaraang laro at muling nakatanggap ng pambabalugbog sa kamay ng Blacklist.

Pinangunahan ng signature Alice ni OHEB ang dominanteng 12-1 panalo sa loob ng 12 minuto at isang segundo matapos niyang pumukol ng perpektong 3-0-5 KDA, bumitaw ng 31K damage at magpakawala ng ilang multiple stuns gamit ang Blood Awe.

Credit: Moonton

Umarangkada ang Blacklist International sa lower bracket quarterfinals kung saan makakatapat nila ang nalalabing koponan mula sa Indonesia na RRQ Hoshi. Nakatakda ang serye sa ika-17 ng Disyembre at mapapanood ito maging ang iba pang salpukan sa M3 World Championship playoffs sa Facebook at YouTube channel ng Mobile Legends.

Nalaglag naman ang huling pambato ng MPL Brazil na Keyd Stars at nagtapos sila sa 7th-8th place na may US$30,000 (PHP1.5 milyon) na premyo.

Subaybayan ang mga kaganapan sa pinakamalaking ML tournament sa pamamagitan ng pag-like sa ONE Esports Philippines sa Facebook.