Ni-reverse sweep ng ONIC PH ang TNC Pro Team sa iskor na 2-1 upang makabalik sa winning track sa Week 3 Day 3 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Bagamat naka-bounce back sila sa pagkatalo sa Smart Omega at mas madami na ulit ang kanilang panalo kaysa sa talo ngayong season, inilahad nila ONIC PH veteran captain roamer Allen “Baloyskie” Baloy at midlaner Jaylord “Hatred” Gonzales na mas nakatuon ang kanilang atensyon sa pagbawi ng kanilang solidong form noong nakaraang season.


Tutok ang ONIC PH sa pag-improve kaysa sa standings, ayon kila Baloyski at Hatred

Credit: MPL Philippines

Sa post-match interview, inamin ni Baloyskie na may pagsisisi siya mula sa pagkatalo nila sa Smart Omega noong Biyernes dahil aniya nadala sila ng kanilang emosyon at nakipagsabayan sa trashtalk.

Pero pagdating ng serye kontra TNC, sinigurado ng 23-year-old pro na tulungan ang kanyang mga kakampi na ma-reset ang kanilang mentality.

“Pinapa-reset niya (Baloyskie) kami isa-isa. Tinutulungan niya kami ma-reset ‘yung isip namin sa pagkatalo. Tska sinu-sure niya talaga, kinakausap niya kami,” paglalahad ni Hatred.

“Una kinakausap ko po sila. Tinitignan ko kung ano ‘yung response nila. ‘Pag napansin kong bad mood sila, parang kinakausap-usap ko at aapiran ko parang ganun. Pinaparamdam ko na ka-team pa rin nila ako kahit natalo kami. ‘Yun ang way ko ng pag-reset sa kanila,” sabi naman ni Baloyskie.

Kaya naman halatang-halata ang mas disiplinadong galawan ng ONIC PH lalo na sa Game 2 kung saan nagliyab ang pag-arangkada nila sa early game na sinindihan ng Rafaela ni Baloyskie maging sa Game 3 kung saan nasaksihan naman ang kanilang classic “banana split” strategy.

Bagamat umangat ang ONIC PH sa 3-2 series record, idiin ni Baloyskie na mas binibigyang-pansin nila ang pagpapalakas ng kanilang laro para makabalik sa kanilang form na nagdala sa kanila sa grand finals ng MPL PH Season 8 at M3 World Championship.

“Nagfo-focus lang po kami sa improvment. Kalimutan muna namin ‘yung standings, mas mag-focus kami para mabalik namin ‘yung form namin. And para sa’kin this week sobrang laki ng in-improve namin. And sana next week mag-improve pa.”

Dagdag pa ni Hatred, nagsimula na sa sa linggong ito ang pagbalik ng ONIC sa kanilang dating laro.

“Ito na ‘yung simula nun. Itong week na ‘to. ‘Di ko mapa-promise pero makikita niyo na lang.”


Sa Week 4, makakalaban ng ONIC PH ang mga bigating koponan na ECHO at RSG PH.

Bumaba sa 3-2 ang standing ng TNC at susubukan nilang makabawi laban sa Nexplay EVOS at Bren Esports sa susunod na linggo.

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita at istorya patungkol sa MPL Philippines maging sa Mobile Legends sa kabuuan.