Pugak sa taas, pugak sa baba, kaliwa’t-kanan na outplays, at marami pang iba; iyan ang inihandog ng ONIC Philippines at Smart Omega sa kanilang PH vs PH bakbakan sa pagpapatuloy ng group stages ng MPL Invitational 2021.

Bagamat nanaig ang ONIC PH sa 2-0 sweep, dekalidad na ML ang ipinakita ng MSC 2021 Champions na dumikit ng maigi sa dalawang laro ng serye.

Clutch plays ng ONIC PH susi sa 2-0 sweep sa PH vs PH matchup

Credit: ONE Esports/ Screenshot ni Calvin Trilles

Hindi naging madali ang tangka ng ONIC PH na pauwiin ang kapwa nila Pinoy team na matiyagang nakipagsabayan hanggang sa dulo.

Bagamat nagkaroon ng maagang farm ang Claude ni Marky “Markyyyyy” Capacio sa game 1, pinursigi ng Smart Omega na makipagpalitan sa pagkuha ng objectives kontra sa mga lamado.

Gayunpaman, hindi na nagawang pigilan ng OMG ang death push ng ONIC kasama ang Lord sa ika-21 minuto ng laro na nagsarado ng unang laban sa PH vs PH matchup.

Malaki ang inambag ng X.Borg ni Gerald “Dlarskie” Trinchera na naglista ng malinis na 7/1/7 KDA at tumataginting na 95k damage dealt.

Credit: ONE Esports/ Screenshot ni Calvin Trilles

Sinubukan ng “Kings of the SEA” na putulin ang momentum ng kalaban sa game 2 kung saan kinuha nila ang Brodie at Paquito para sa midgame atake.

Pursigidong nakipagsabayan ang Lancelot ni Christian “Raizen” Sumagui sa Hayabusa ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol, na nagtala ng 5/1/3 KDA hanggang kontra sa 9/1/0 ng ONIC jungler.

Credit: ONE Esports/ Screenshot ni Calvin Trilles

Madikit ang labanan hanggang sa ika-17 minuto ng laro, hanggang sa punto kung saan inilabas ni Allen “Baloyskie” Baloy ang kaniyang henyo sa midlane Pharsa.

Nilapnos ni Baloyskie ang mga miyembro ng Omega sa isang surpresang teamfight malapit sa purple buff pit, na epektibong sumira sa pangarap ng MSC 2021 champs na nakawin din ang kampyonato ng MPLI 2021.


ONIC PH haharapin ang RRQ Hoshi sa second round

Credit: ONE Esports/ Screenshot ni Calvin Trilles

Matapos ang umaatikabong PH vs PH bakbakan. kasunod namang haharapin ng ONIC PH ang bigating RRQ Hoshi team galing Indonesia.

Mababalikang hinulma ng MPL MY Champions na Team SMG ang PH vs PH at ID vs ID matchup para buuin ang “bracket of death” sa MPLI 2021. Sa unang laban ng nasabing bracket, nilaos ng RRQ ang kanilang karibal na EVOS Legends sa sagupaang kilala din bilang El Clasico.

Nakatakdang magharap ang dalawang higanteng team sa Day 3 ng international patimpalak.

Sundan ang mga kwentong tungkol sa inyong paboritong Pinoy team sa MPLI 2021 sa pamamagitan ng pagbisita sa Facebook page ng ONE Esports PH!