Nagdesisyon ang ONIC Philippines na tanggalin si Edgar “ChooxTV” Umali, isa sa mga miyembrong nakalista sa opisyal nilang roster para sa gumugulong na ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).
Ipinadaan ng organisasyon ang naturang desisyon sa isang social media post na inilathala Huwebes ng gabi. Anila, karangalan daw para sa ONIC PH ang maging parte ng kanilang koponan si ChooxTV bagamat sa maikling panahon.

Wala namang binanggit na dahilan ang ONIC PH patungkol sa pagkakatanggal kay ChooxTV. Samantala, wala pang pahayag ang naturang manlalaro ukol sa desisyon.
Kumite ng MPL Philippines, papatawan ng parusa ang ONIC PH matapos tanggalin si ChooxTV

Tinanggap man ng kumite ng liga ang desisyon ng koponang magsagawa ng pagbabago sa kanilang roster habang gumugulong ang season, nilinaw ng MPL Philippines na makatatanggap pa rin ang ONIC PH ng karampatang parusa sa paglabag ng kanilang alituntunin.
Sa ilalim kasi ng 6.1 General Roster Change Rules mula sa opisyal na rulebook ng liga, ipinagbabawal ang pagtanggal ng isang koponan sa isang player na nakarehistro sa liga. Kung may sapat man daw na dahilan ang organisasyon para gawin ang desisyon, ito ay dapat ipag-alam sa kumite dalawang linggo bago ang termination.

Hindi nilinaw ng kumite sa kanilang pahayag ang partikular na parusang ipapataw sa koponan. Umaasa rin daw sila na hindi na maulit ang naturang pangyayari.
Nakatakdang ipagpatuloy ng ONIC PH ang kanilang kampanya sa MPL PH S10 kontra Blacklist International sa Biyernes, ika-26 ng Agosto sa ganap na ika-anim ng gabi, at laban sa Smart Omega, kinabukasan sa parehong oras.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: SUPER FRINCE at ONIC PH binokya ang RSG PH sa Game 2, kinumpleto ang 2-0 sweep