Panalo ang ONIC Philippines laban sa Blacklist International sa Week 6 Day 3 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Nagawa ng ONIC PH ang hindi magawa ng marami, ang talunin ang Blacklist International. At hindi lang nila basta-basta tinalo ang number 1 team sa regular season, isang tumataginting na 2-0 sweep ang nagawa ng ONIC PH.

Sa mga huling sandali ng game two, isang clutch defense sa kanilang base ang ginawa ng ONIC PH roamer na si Paul Ian “Beemo” Sergio gamit ang kanyang Jawhead upang pigilan ang napipintong pagkapanalo ng Blacklist habang hindi pa nagre-respawn ang kanyang mga teammates. Ang napakasolidong depensang ito ni Beemo ang bumili sa kanila ng oras habang hinihintay ang kanyang mga teammates na naging susi sa pagkakapitas nila sa apat na myembro ng Blacklist, at tuluyan nilang pagkapanalo.

Dahil sa husay ng performance ng Jawhead ni Beemo, sya ang tinanghal na MVP ng kanilang winning game kung saan tinapos nya ito na may KDA na 1/3/7.

MLBB ONIC PH Beemo MVP
Credit: MPL PH

Sa post-match interview, ibinahagi ng ONIC PH coach na si Paul Denver “Coach Yeb” Miranda kung gaano kahalaga para sa kanila ang panalong ito.

“Sobrang halaga po bawat panalo,” sabi ni Coach Yeb. “Pero versus Blacklist syempre top one sila, sobrang lakas nila, so sobrang happy kami.”

Ibinahagi rin nya ang mga bagay na sasabihin nya sa kanyang team sa kanilang post-match coaching session. “Iko-congrats ko lang sila. Deserve naman namin yung win na yun [pagkatapos ng] lahat nang efforts namin.”

MLBB ONIC PH Coach Yeb Beemo
Credit: MPL PH

Nagpahayag din ng tuwa ang MVP ng kanilang winning game na si Beemo. “Sobrang sarap sa feeling nung natalo namin yung blacklist.”

Sa ngayon ay secured na ang pwesto ng ONIC PH sa upper bracket ng playoffs.

Susunod nilang makakalaban ang RSG PH sa October 9, 6:00 p.m. GMT+8.

Mapapanood ang mga matches nang live sa opisyal na Facebook channel ng MPL Philippines.