Sa wakas ay nabunyag na rin ang tunay na dahilan ng pag-iyak ni Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar. Nasaksihan ng maraming manonood ang sensitive side ng Indonesian jungler matapos malaglag ang kanilang koponan sa Mobile Legends: Bang Bang men’s division ng 32nd Southeast Asian Games (32nd SEA Games) sa Cambodia.

Sa itinagal ng kanyang career, hindi pa kailanman nakita si Alberttt na umiiyak. Kahit na ang RRQ CEO na si Adriane Pauline “Pak AP” Husen, sa isang live video sa Instagram, ay nagsabi na hindi pa kailanman umiyak ang kanilang jungler dahil sa mga pagkatalo na naranasan ng kanilang koponan.

Alberttt Team indonesia 32nd SEA Games
Credit: Mobile Legends: Bang Bang

Nauunawaan naman ng marami ang pagkadismaya ng jungler. Natikman ni Alberttt at ng buong Indonesian MLBB national team ang pait ng pagkabigo nang makuha nila ang pinakamababa nilang narating sa kasaysayan ng MLBB sa SEA Games, ang hindi makapasok sa playoffs.

Nangangahulugan na ang Indonesian MLBB team, na may misyong sumungkit ng ginto, ay hindi nakakuha ng kahit anong medalya sa SEA Games sa kauna-unahang pagkakataon.

Team indonesia 32nd SEA Games
Credit: Moonton

Hindi naman pangit ang naging performance ni Alberttt. Maganda ang ipinakita ng mga Indonesian, sadyang naging mahusay lang ang mga kalaban at kakulangan ng chemistry ang naging dahilan.

Dahilan ng pag-iyak ni Alberttt sa 32nd SEA Games

Naging emosyonal si Alberttt at nasaksihan ng lahat ang kanyang pag-iyak sa harap ng camera matapos silang talunin ng Myanmar.

Lumuha naman ang lahat nang players ng kanilang team, ngunit pinakakapansin-pansin si Alberttt. Ano nga ba ang dahilan ng kanyang pag-iyak maliban sa hindi pagpasok ng kanyang koponan sa playoffs?

Alberttt Team Indonesia 32nd SEA Games
Credit: Moonton

Binato ng ONE Esports ang tanong na ito sa Team Indonesia sa press conference matapos nilang talunin ang Singapore sa final group stage.

“I cried because we lost and didn’t make it through. I felt that in this SEA Games, we could have gone even further,” sabi ng jungler.

“The SEA Games is an event that is rare and anticipated by people every two years. It’s not guaranteed that we will gather together again in the next SEA Games, so I’m really sad. And also because we represent Indonesia,” kanyang pagtatapos.

Para sa iba pang balita at guides tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.