Bagong lineup na binubuo ng mga lumang muka ang bumida sa RSG PH nang harapin nila ang Bren Esports sa ika-anim na linggo Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.
Inilabas kasi ng koponan sa unang pagkakataon sina Kenneth “Kenji” Villa at Clarense “Kousei” Camilo para mawalis ang nahihirapang koponan nina David “FlapTzy” Canon.
Pagbabalik ni Kenji, susi sa panalo ng RSG PH
Malaki ang naging ambag ng pagbabalik ni Kenji sa naging tagumpay ng kanyang koponan.
Sa unang mapa ng serye, naging malakas na pangontra ang Dyrroth ni Kenji para hindi makaporma ang Esmeralda ni FlapTzy. Sinakyan ng RSG PH ang maagang kalamangang kanilang naitala para makontrol ang bilis ng laro.
Nagsilbing pako sa kabaong ng Bren Esports ang Triple Kill na nsinelyo ng beteranong EXP Laner bandang 13 minuto ng laban. Na-wipe out kasi ng Raiders ang kanilang kalaban matapos subukang i-contest ang Lord.

Muling naging problema sa draft ng kanilang kalaban si Kenji pagpasok sa ikalawa at kalauna’y huling mapa ng serye matapos niyang bumida bilang Hylos.
Bagamat inamin niya sa post-match interview na hindi pa nagmula sa katas ng bagong meta, kung saan inaasahan ang pamamayagpag ng mga tank, hindi ito naging hadlang para maparangalan siya bilang MVP ng naturang laro.

Kousei: ‘Hindi pa ito ‘yung pinakamalakas’

Sa kabila ng tatlong puntos na nakuha ng RSG PH sa tulong ng pagbabalik ni Kenji, inamin ni Kousei na hindi pa ito ang sukdulan ng kanilang potensyal.
“Masaya naman, pero hindi pa ito ‘yung pinakamalakas,” sagot ni Kousei nang tanungin ang kanilang nararamdaman matapos walisin ang Bren Esports.
‘Di naman naitago ni Kenji ang pagka-miss niyang lumaro sa MPL PH matapos niyang aminin na nabitin siya sa laro.
Susubukan ng RSG PH na ungusan ang TNC Pro Team, ang koponang katabla nila ngayong para sa ikalawang puwesto. Nakatakda kasing harapin ng Raiders ang Smart Omega bukas, ika-26 ng Marso, sa ganap na ikawalo ng gabi.
Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Ito ang tantiya ni Coach BON CHAN sa kalalatag lamang na MLBB Patch 1.6.66