Isa na namang upset win ang inilista ng Bren Esports matapos walisin ang ONIC PH sa iskor na 2-0 upang masungkit ang kanilang ikalawang sweep at sumatutal na ikatlong panalo sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.
Epektibo ang words of wisdom na ibinahagi ni world champion coach Francis “Duckey” Glindro para maka-bounce back ang kanyang mga bataan mula sa 0-2 pagkatalo sa kamay ng RSG PH at makapagtala ulit ng sweep gaya ng ginawa nila sa ECHO noong nakaraang linggo.
Pero ang pinakamahalaga sa lahat, nabuhay muli ng MPL PH Season 6 winning team at M2 world champion squad ang kanilang pag-asa na makabalik sa playoffs.
Bren Esports pinako ang 2-0 sweep kontra ONIC PH sa tulong ng mga payo ni Coach Duckey

Nasa bingit na ng pagkatalo ang Bren Esports sa Game 1 ngunit nagkaroon ng maling desisyon ang ONIC PH sa mga huling sandali ng laro.
Binabasag na ng super minions ng ONIC ang Base ng Bren at pinababa ang buhay nito sa halos isang normal hit na lang. Dahil dito, nanggigil ang ONIC at pinilit tapusin ang laro kaso isa-isa silang pumasok kaya naman isa-isa rin silang napuksa ng Bren na dumiretso para sa winning push matapos silang i-wipe out.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports
Pagkatapos ng kapana-panabik na panalo para sa kanyang koponan, pinakalma ni Coach Duckey ang kanyang mga manlalaro at ni-reset ang kanilang mindset bago ang ikalawang laro.
“I just imposed na we just won Game 1, we haven’t won the series. Pero hindi ko sinasabi sa kanila directly. I just made them feel that way. So, it’s a 0-0, parang reset sa scoreboard then we just have to focus,” kwento ng two-time world champion mentor sa post-match interview.
“I was telling them for a couple of days na don’t focus on the points na kailangan nating ipanalo. Just focus on what we have to do right,” dagdag pa ni Coach Duckey, na humalili muna sa kanyang protege at madalas na on-site coach na si Paulo “Pauloxpert” Munsayac.
Tumatak ang mga payo ni Coach Duckey sa isip nila rookie roamer Vincent “JOY BOY” De Guzman at kanyang mga kakampi kaya naman pagpasok ng Game 2 ay nanatili silang gutom sa panalo.
Pinagbidahan ni JOY BOY sa kanyang Grock ang 9-1 dominasyon ng Bren kontra ONIC sa loob ng 13 minuto sa pamamagitan ng pagtala ng 1/0/5 kill-death-assist stats at 66.67% kill participation.

Kapansin-pansin na mas gumanda ang galawan ng Bren Esports kumpara sa pinakita nila nang matalo sila sa RSG PH isang gabi lang bago ang laban sa ONIC PH. Dahil ito sa payo ni Coach Duckey na bumalik sila sa basics ng laro.
“For the past couple of weeks, since we’ve been on a very long losing streak, parang we decided that bawasan natin ‘yung pagiging technical. The game is very simple, it’s very straightforward. We’ve been very technical for the past four months that we’ve been training and a half of it was the regular season,” ani Coach Duckey.
“Then kinausap ko si Pau, sabi ko, ‘We’ve been very technical, ‘wag natin pakumplikaduhin. Balik natin ‘yung fundamentals and everything and all that.’ And then one of the best quotes na nabasa ko, I think it was from Bords (Lusty), pinost nya, is that we have to play like how we practice.”
Bagamat nasa ilalim pa rin ng standings, napataas ng Bren Esports ang kanilang puntos sa 8 mula sa 3-6 series win-loss record at nanatiling buhay sa karera patungong playoffs. Bukas ay tatangkain nilang patumbahin ang struggling na Nexplay EVOS sa ganap na ika-8 ng gabi.
Pwede niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para manatiling updated sa mga kaganapan sa MPL Philippines.