Dalawang rookies muli ang nagpasiklab para maselyo ang upset win ng Bren Esports kontra ECHO sa ikalimang linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

A la David kontra Goliath ang nasabing bakbakan. Bago kasi pumasok ang parehong koponan sa nasabing linggo ng regular season, namamalagi ang Bren sa ilalim ng standing habang sa tugatog naman kumportableng naka-upo ang ECHO.

Pero matapos ang pamamayagpag nina Vincent “JOY BOY” De Guzman at Marco “SUPER MARCO” Requitano best-of-three serye, nagawang iabot ng Bren Esports sa tinaguriang super team ang kauna-unahan nilang 0-2 loss ngayong season.


Upset win ng Bren Esports kontra ECHO tampok sa MPL PH Season 9 Week 5 Day 2

Nabuhayan ang mga fans ng M2 World Champion matapos magpasiklab ng koponan kontra kasalukuyang top seed ng MPL PH Season 9.

Napa-behave ni JOY BOY ang malikot na Fanny ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno para matulungan niya ang kanyang koponan na iselyo ang unang mapa ang serye at maparangalan bilang MVP. Nagtala siya gamit ang Chou ng game-high 11 assists at 73.68% kill participation.

JOY BOY at SUPER MARCO bumida sa upset win ng Bren Esports kontra ECHO
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes

Sa ikalawang mapa, mas naramdaman ng Bren Esports ang dahilan kung bakit ECHO ang nangingibabaw ngayon sa liga. Abot-kamay na sana kasi ng kanilang kalaban ang pagkakataong maitabla ang serye kung hindi lang dahil sa matagumpay na pagdepensa ng Harith ni SUPER MARCO sa kanilang base.

Napahaba pa ang laban dito, pero naging mas malinaw ang tsansa na maka-upset win ang Bren Esports kontra ECHO matapos nilang mapitas ang Paquito ni KarlTzy at Vale ni Jankurt “KurtTzy” Matira bandang 17-minuto ng bakbakan para maselyo ang Lord.

JOY BOY at SUPER MARCO bumida sa upset win ng Bren Esports kontra ECHO
Credit: MPL Philippines | Screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Kinilalang MVP ng ikalawa at huling mapa ng serye si SUPER MARCO matapos magtala ng game-high nine kills at 738 gold-per-minute.


Bagamat nakakuha ng tatlong puntos dahil sa upset win ng Bren Esports kontra ECHO, nanantili pa rin ang koponan sa ilalim ng standings ng MPL PH Season 9.

Magpapatuloy ang kampanya nila sa unang araw ng ika-anim na linggo ng regular season kontra RSG PH. Nakatakda itong iraos sa ika-25 ng Marso, sa ganap na ika-anim ng gabi.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL PH, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: RSG PH hindi pinaporma ang NXPE, Light may buwelta sa karibal na team