Opisyal nang inilathala ang playoff bracket ng MPL PH Season 9.

Dalawang araw matapos ang walong linggong regular season ng liga, isinapubliko na ng kumite ang pagkakaharap-harap ng anim na koponang pasok sa nasabing tournament phase.


RSG at ECHO, hinulma ang playoff bracket ng MPL PH Season 9

Playoff bracket ng MPL PH Season 9, kumpirmado na
Credit: MPL Philippines, ONE Esports

Dahil sa bagong alituntunin na inanunsyo bago magsimula ang gumugulong na season, nagbigyan ng kapangyarihan ang RSG PH at ECHO na ayusin ang playoff bracket ng MPL PH Season 9.

Bilang top seed ng regular season, napasakamay ng RSG PH ang kapalaran ng third seed na ECHO at fourth seed na Nexplay EVOS. Pinili nilang itapat ang koponan nina Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno sa bracket ng second seed na TNC Pro Team, at inilagay naman ang koponan nina John Paul “H2wo” Salonga sa kanila.

Samantala, nagdesisyon ang ECHO na makatapat ang sixth seed na Smart Omega, habang magbabakbakan naman ang fifth seed na ONIC Philippines at Nexplay EVOS.

Playoff bracket ng MPL PH Season 9, kumpirmado na
Credit: MPL Philippines, ONE Esports

Double elimination ang format ng playoffs. Best-of-five ang lahat ng seryeng lalaruin, maliban sa grand final na best-of-seven.

Tumatagingting na US$75,000, o mahigit ₱3.8 milyon, ang paglalaban-labanan ng anim na koponang naka-qualify sa playoffs ng MPL PH Season 9.


Nakatakdang ganapin ang playoffs ng MPL PH Season 9 simula sa ika-28 ng Abril hanggang sa ika-isa ng Mayo.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ₱3.8 milyon tampok sa MPL PH Season 9 playoffs prize pool