Selyado na ang playoff spot ng RSG PH sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 matapos nilang talunin ang Smart Omega sa ika-anim na linggo ng regular season.
Nagresulta sa 2-1 tagumpay ng Kingslayers ang ikalawa nilang pagtutuos kontra Comeback Kings.
Playoff spot ng RSG PH, selyado na matapos ang tagumpay laban sa Smart Omega

Sa kabila ng makabuluhang panalo, hindi naging madali para sa RSG PH ang pagdispatsa sa Smart Omega.
Bukod kasi sa nagamit ang lahat ng mapa bago maparangalan ang panalo, tampok din sa best-of-three ang isa sa pinakamabahang laro ng season.
Humigit 28 minuto ang kinailangan ng Raiders para maselyo ang unang mapa. Ani Eman “Emann” Sangco sa post-game interview, nakakapagod daw ang nasabing laro dahil hindi sila pwedeng magkamali.
Hindi naman nauwi sa wala ang kanilang paghihirap lalo na’t ang Beatrix ng gold laner ang kinilalang MVP ng game one.

Kaso pagdating ng ikalawang mapa, napawalang-bisa ng Grock ni Joshua “Ch4knu” Mangilog at Selena ni Patrick “E2MAX” Caidic ang lineup ng Raiders para malimitihan sila sa isang kill.
Sa kabila naman ng pagkatalong ito, inamin ni Coach Panda na hindi bumaba ang moral ng kanyang koponan. Naging patunay sa mga salitang ito matapos maselyo ng koponan ang panalo sa ikatlong mapa ng serye kung saan muling nangibabaw si Emann, gamit naman ang Melissa.

Kasalukuyang naka-upo sa ikalawang puwesto kasama ng TNC Pro Team ang RSG PH. Meron silang 21 puntos mula sa 8-2 na win-loss record.
Kahit selyado na ang playoff spot ng RSG PH, hindi pa dito nagtatapos ang kanilang kampanya. Nakatakda pa kasi nilang harapin sa mga susunod na araw ang ECHO at TNC Pro Team, dalawang koponan na pasok na rin sa playoffs.
Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Payo ni Coach Duckey nagresulta sa 2-0 upset victory para sa Bren Esports kontra ONIC PH