Bagamat nagningning ang koponan sa first half ng MPL ID Season 9 regular season, bigo ang Rebellion Zion na makuha ang inasam na tiket sa playoffs matapos ang malabangungot na huling bahagi ng kanilang kampanya. 

Ito ang ikalawang season na kinapos ang koponan karugtong ng kanilang 7th place finish ngayong season.

Credit: Moonton

Umasa ang mga miron na maibabalik na ng koponan ang kanilang gilas matapos makanakaw ng tatlong panalo sa unang bahagi ng season, tampok pa ang paggiba sa Bigetron Alpha at EVOS Legends. Gayunpaman, nahulog ang Rebellion Zion sa bangin ng anim na sunod na pagkatalo sa second half ng MPL ID S9, na epektibong kumitil sa kanilang pag-asa na makasulot ng playoff spot.

Nagtapos man sa 4-10 record kasunod ng non-bearing match kontra Geek Fam, may natutunan naman daw ang koponan sa karanasan nila sa kanilang kampanya.


Self-confidence at mentality ang naitulong ng karanasan sa MPL ID S9 sa Rebellion Zion players

Credit: MPL ID

Matapos panatilihing bokya ang win column ng Geek Fam ID sa huling serye ng kanilang regular season, inamin ng Rebellion Zion midlaner na si Swaylow sa ONE Esports ang sanhi ng kanilang nakadidismayang performance sa second half ng MPL ID S9 regular season.

Inamin ni Swaylow na nakumpiyansa sila sa maagang abanteng nakuha ng koponan sa season kung kaya’t kinapos sila sa dulo. “The most valuable lesson we have learned this season is about our self-confidence and our mentality,”

Dagdag pa ng midlaner, “This moment comes when we are able to win several victories that make us overconfident and take our opponents lightly. When we got to that point and we lost, we were devastated.”

Hindi man diretsong sinabi ni Swaylow, kapansin-pansin na hindi sanay ang Rebellion Zion na humawak ng maagang kalamangan sa season. At mas tipikal itong nangyayari kaysa sa iniisip ng marami.

 Sa katunayan, gayundin ang naranasan ng Aura Fire ayon kay God1va.Banggit ng Aura Fire beterano, ito rin daw ang dahilan kung bakit hindi umarangkada ang kaniyang team sa huling bahagi ng MPL ID S9 kaya naman bigo silang makuha ang inasahang upper bracket spot.

Sundan ang pukpukan sa playoffs ng MPL ID sa pamamagitan ng pagsunod sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Coach Mars: Madedepensahan ng mga asset ng ONIC Esports ang MPL ID title