Hindi nabigo ang mga fans sa maiinit na bakbakang handog ng mga kupunang nagtapat sa Day 1 ng MPLI 2021 Group Stage.

Bida sa MPLI opener ang labanan ng magkapatid na kupunang ECHO mula sa Pilipinas at Aura Fire ng Indonesia, habang sinubukan naman ng Orange Esports ng Malaysia na putulin ng maaga ang kampanya ng Alter Ego ng Indonesia na depensahan ang kanilang MPLI korona.

Tampok sa rin sa Group Stage Day 1 ng MPLI 2021 ang Indonesian bersyon ng el clasico kung saan nagharap ang EVOS Legends at RRQ Hoshi sa match 3, na sinundan naman ng salpukan ng kapwa Indonesian teams na Bigetron Alpha at Geek Fam.


Alter Ego pinadapa ang Orange Esports, 2-1

Credit: ONE Esports/ Screenshot ni Calvin Trilles

Hindi naging madali ang simula ng kampanya ng Alter Ego sa kanilang depensa ng kampyonato sa harap ng top Malaysian team na Orange Esports.

Walang takot ang OE na inabuso ang isang pagkakamali ng mga Indonesian sa isang punto sa game 1, kung saan nagningning ang Alice ni iSonic na gumulat sa MPLI 2020 champions papunta sa death push.

Credit: ONE Esports/ Screenshot ni Calvin Trilles

Hindi naman pumayag ang Alter Ego na bumwelta sa dalawang magkasunod na laro sa pangunguna nina Eldin Rahadian “Celiboy” Putra at Julian “LeoMurphy” Murphy na bumuhat sa Yi Sun Shin at Khufra.

Aangat na ngayon ang Alter Ego sa bracket at makakaharap ang mananalo sa labanang Nexplay EVOS ng Pilipinas at Rebellion Genflix ng Indonesia.


Rafflesia, Bagyong Benny ng ECHO, inapula ang Aura Fire, 2-1

Credit: ONE Esports/ Screenshots ni Calvin Trilles

Nagpabilib muli ang isa sa mga kinikilalang gold laners sa Pinoy MLBB eksena na si Benny “Bennyqt” Gonzales sa unang sultada ng ECHO sa MPL Invitational 2021.

Hindi man naging madali ang kanyang maniobra sa Aldous sa kaniyang debut sa Day 1 ng MPLI 2021, agad namang bumawi ang pro na kilala din sa pangalang “Bagyong Benny” na nanalasa sa game 2 at game 3.

Naglista ang ECHO gold laner ng magkasunod na 150k at 71k damage output sa dalawang laro gamit ang Lunox. Hindi rin nagpahuli si  Christian “Rafflesia” Fajura na nagpakitang gilas sa kaniyang signature tank Chou papunta sa MVP gantimpala sa game 2.

Credit: ONE Esports/ Screenshots ni Calvin Trilles

Sa pagpapauwi sa kanilang kapatid na team mula Indonesia, haharapin ng ECHO ang mananalo sa pagitan ng bakbakan ng magkapatid ding kupunan na RSG PG at RSG SG.


El Clasico: RRQ Hoshi itinumba ang EVOS Legends, 2-0

Credit: ONE Esports/ Screenshots ni Calvin Trilles

Sa rendisyong ito ng El Clasico, pinatunayan ng RRQ Hoshi na hawak nila sa leeg ang EVOS Legends.

Hindi nagtagal ang inantabayanang bakabakan ng mga miron dahil pinutol na agad ng 1st placer ng MPL ID Season 8 ang pangarap ng EVOS na makaangat sa Day 1 ng MPLI 2021.

Credit: ONE Esports/ Screenshots ni Calvin Trilles

Sumandal ang RRQ sa husay ni Firm Priest “PSYCHOOO” Firdaus na malaki ang inambag sa sweep hawak ang kaniyang Lou Yi sa game 1, at Kagura sa game 2.

Credit: ONE Esports/ Screenshots ni Calvin Trilles

Kasabay ng pagpapabilib ni PSYCHOOO, swabe din ang inilabas na laro ni Albert Neilsen “Alberttt” Iskandar sa kaniyang signature Ling para isarado ang serye.

Aangat ang RRQ ngayon sa tinaguriang “bracket of death” ng Team SMG, at haharapin ang mananalo sa bigating bakbakan ng top seed Pinoy teams na ONIC Philippines at Smart Omega.


BTR aangat, Geek Fam namaalam sa MPLI 2021

Sa tapatang ito ng dalawang Indonesian teams, henyong drafting at magilas na execution ang isinalang ng Bigetron Alpha para putulin ng maaga ang kampanya ng Geek Fam sa Day 1 ng MPLI 2021.

Hindi nakasabay ang GF sa madulas na Hayabusa plays ni Maxwell “Maxx” Asessandro na naglista ng 5/0/7 sa game 1, at 11/2/11 record sa kaniyang Ling sa game 2 papunta sa dalawang Game MVP gantimpala.

Haharapin ng BTR ang mananalo sa Todak at SeeYouSoon matchup sa Bracket C na binunot ng Blacklist International.


Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL Invitational 2021 sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook page ng ONE Esports PH.